CAVITE – Arestado sa entrapment operation ang isang 57-anyos na ginang dahil sa pagbebenta ng pekeng vaccination card at certificate sa Dasmariñas City sa lalawigang ito, noong Lunes ng gabi.
Kasong paglabag sa RA 11332 (Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Concern Act)/Selling of Fake Vaccination Card and Certificate of Vaccination, ang kinahaharap ng suspek na si Julieta Mabion y Pacheco, may asawa, ng Block 24, Lot 34, Phase 10, Dasma 4, Golden City, Brgy. Salawag, Dasmariñas City dahil sa reklamo ng ilang concerned citizen.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Richard Domingo ng Dasmariñas City Police, dakong alas-9:54 ng gabi nang magsagawa ng entrapment operation ang mga operatiba ng Intelligence Unit ng Dasmariñas CPS sa bahay ng suspek dahil sa reklamo ng ilang concerned citizen.
Dahil dito, nagsagawa ng entrapment operation sa bahay ng suspek kung saan nagpanggap ang isang Intel officer na magpapagawa ng vaccination card na nagresulta sa pagkakaaresto kay Mabion.
Nakuha sa suspek ang COVID-19 vaccination ID at certificate of vaccination cards, ang cellphone na ginamit nito sa kanyang transaksyon at P500 buy-bust money. (SIGFRED ADSUARA)
200 