IMBES na suportahan ang sektor ng pagsasaka at pangingisda sa Pinas, mukhang ang gobyerno pa ang pumipilay sa mga ito dahil bawat kibot ng pamahalaan, importasyon.
Sa ganitong patakaran ng gobyerno natin, ang mga importer ang binubuhay nila imbes na ang mga magsasaka at mangingisda kaya huwag na kayong magtaka kung darating ang araw na wala nang gustong magbungkal ng lupa para magtanim, at mangisda para magkaroon tayo ng ulam sa ating hapag kainan.
Nitong nakaraang mga buwan, laganap ang mga importerd na gulay mula sa China na nagpabagsak sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka sa ating bansa dahil ibinebenta ang mga ito nang mas mura kaya patok sa mga consumer.
Ilegal na ipinapasok ang mga imported na gulay sa ating bansa pero mukhang wala pang nahuhuling smugglers, kaya huwag na kayong magtaka kung patuloy ang smuggling dahil wala naman napaparusahan, ‘di ba?
Bago ang mga gulay, bumaha rin ng imported rice sa ating bansa dahil sa Rice Tariffication law kung saan pinayagan ang rice importers na mag-angkat nang mag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa partikular na sa Vietnam at Thailand.
Naging dahilan ‘yan ng pagbasak ng presyo ng aning palay ng ating magsasaka mula 2019 at hanggang ngayon ay hindi pa sila nakababangon kaya marami ang hindi na nagtanim ng palay.
May mga sumusugal na magsasaka pero ang problema naman nila ngayon ay limitadong patubig ng National Irrigation Administration (NIA) kaya napipilitan ang mga rice farmer na gumastos para matubigan ang kanilang palayan sa pamamagitan ng deep well na kailangan ang maraming krudo.
Sumunod na nabiktima ang mga magsasaka ng gulay dahil sinabayan ng mga smuggler ang kanilang pag-aani kaya imbes na kumita sila ay nalugi dahil bagsak ang presyo ng smuggled vegetables.
Ngayon ay mag-i-import naman daw ang Department of Agriculture (DA) ng 60,000 toneladang galunggong para mapunan daw ang shortage ng supply at maabatan ang pagtaas ng presyo nito.
Muli, ang mga importer ang makikinabang na naman nito at hindi ang mga mangingisda na parang ayaw suportahan ng gobyerno mismo. Kinokontrol kasi ang pangingisda nila habang hinahayaan ang China sa walang habas na pangingisda sa West Philippine Sea (WPS).
Tiyak na manggagaling sa China ang aangkating mga galunggong na hinakot nila sa ating teritoryo at ibebenta sa atin nang mahal. Parang wala sa ayos ang gobyerno natin ah!
210 