NAPAKAHALAGA ng papel na ginagampanan ng batas sa isang bansa anumang uri ng pamahalaan ang pinaiiral dito. Ito ang nagsisilbing gabay sa mga mamamayan at mga dayuhan ukol sa kung ano ang mga ipinagbabawal gawin sa bansa at kung ano ang karampatang parusa na maaaring harapin ng sinumang lalabag dito. Sa ganitong paraan ay napapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa isang bansa.
Ang pagsunod at pagkilala sa batas ay hindi lamang responsibilidad ng mga lokal na mamamayan kundi pati na rin ng mga dayuhang bumibisita o namamalagi sa isang bansa, gaya kung paano sumusunod ang mga turistang Pilipino at Overseas Filipino Workers (OFWs) sa batas na ipinatutupad sa bansang kanilang kinaroroonan. Ang batas ay walang kinikilala kaya’t sinumang lumabag dito, lokal na mamamayan man o banyaga, ay dapat panagutin.
Kamakailan ay lumabas ang balita ukol sa pitong Taiwanese nationals na kinatawan ng kompanyang Chailease International Financial Services Ltd. Taiwan at sa kasong kinakaharap ng mga ito.
Noong nakaraang taon, nagsampa ng kaso ang CAPP Industries Inc., isang lokal na logistics provider sa bansa, laban sa nasabing mga dayuhan dahil sa ginawa nitong pagnanakaw sa Airbus Helicopter H130 na may registry number RPC 8625 na pag-aari ng kompanya. Nakipagsabwatan anila ang pitong Taiwanese nationals sa ilang miyembro ng mga kompanyang Philjets Aero Charter Corp., at Airbus Helicopters Philippines Inc.
Sa kabila ng inisyung warrant of arrest ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) noong Setyembre 2021 at hold departure order noong Oktubre 2021, kasalukuyan pa ring pinaghahanap ang mga sangkot sa kaso.
Matapos ang ilang buwan, bigla namang lumutang ang abogado ng mga kinasuhan. Sa halip na iharap ang kanyang kliyente, kinuwestyon nito ang desisyon ng Pasay City Prosecutor’s Office. Aniya, wala raw basehan ang kasong isinampa sa mga kliyente nito.
Dapat mag-ingat ang kampo ng kinasuhan sa kanilang aksyon dahil baka pati ang sub judice rule ay labagin na ng mga ito. Sa paliwanag ng aking mga kaibigang abogado, sa ilalim ng sub judice rule, kapag ang isang kaso o kontrobersiya ay pinangangasiwaan na ng korte, wala nang sinuman, maging ang miyembro ng media, ang maaaring manghimasok dito. Ipinagbabawal na ang pampublikong diskusyon ukol sa kaso.
Ang dapat gawin ng abogado ay iharap niya ang mga sangkot sa kaso upang magkaroon ng pormal na paglilitis. Sa korte nila ilabas ang ipinagmamalaki nilang mga ebidensya na makapaglilinis sa pangalan ng mga Taiwanese national. Dapat ay idaan ito sa tamang proseso.
Ang pagsunod sa batas ay tanda ng paggalang sa bansang nagpapatupad nito. Kaya’t hindi dapat hayaan ang mga dayuhang gaya ng pitong Taiwanese national na paikutin at bastusin ang batas ng Pilipinas. Kung ang sambayanang Pilipino ay sumusunod sa batas ng bansa, mas lalong dapat ang mga dayuhang bumibisita at nakikitira lamang dito.
1086 