HINDI pahihintulutan ng Bureau of Customs (BOC) ang pagsasamantala ng mga sindikatong karaniwang sumasalisi sa tuwing may parating na suplay na pantugon sa kakapusan nito sa merkado.
Ayon kay Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, mas matatag na border control and protection ang kalakip ng isang kasunduang nilagdaan ng kanilang ahensya at ng Department of Agriculture (DA) kaugnay ng napipintong pag-angkat ng hindi bababa sa 60,000 tonelada ng isdang galunggong mula sa ibang bansa.
Sa ilalim ng Data Sharing Agreement sa pagitan ng BOC at DA na kinakatawan mismo ni Secretary William Dar, mas madaling matutukoy ng kawanihan ang mga kargamentong walang permiso sa kagawaran, habang mas mabilis na proseso naman ang garantiya para sa mga parating na may kalakip na permiso mula sa ahensyang pinamumunuan ni Dar.
Partikular na tinukoy ng BOC ang palitan ng datos sa pagitan ng kanilang Legal Service and Management Information System and Technology Group (MISTG) at Trade Remedies Unit (TRU) ng departamento ng agraryo, batay na rin sa mga probisyong nakalahad sa ASEAN Harmonized Tariff Nomenclature (AHTN) kung saan nakatala ang mga panuntunang kalakip ng customs duties, safeguard duties, anti-dumping duties, general safeguard duties, countervailing duties, at iba pa.
Paniwala ni Guerrero, pinaka-angkop ang kasunduang nilagdaan para tiyaking hindi maabuso ang kakapusan ng suplay ng isda sa merkado ng mga smuggling syndicates na karaniwang “sabay-sabay” lang sa tuwing may shortage ng supply sa mga lokal na pamilihan. (BOY ANACTA)
206 