HINDI NA NATUTO

SA tuwing makakikita ng pagbaba ng bilang ng arawang kumpirmadong kaso ng COVID-19, nagluluwag ang gobyerno sa ipinatutupad na mga restriksyong layon lamang ay tiyakin ang kaligtasan ng bawat Pilipino.

Katwiran ng gobyerno, kailangang timbangin ang kalusugan at kabuhayan, dahil wala na anilang salapi ang kaban ng bayan.

Sa tinuran mismo ng Pangulo, malinaw na wala nang salaping gagastusin, kaya naman wala na rin dapat timbangin. Ang angkop lang na gawin ay tiyakin ang kaligtasan ng bawat mamamayan.

Hindi katanggap-tanggap ang alibi ng pamahalaan sa kawalan ng sapat na salaping sinaid ng katiwalian.

Ang paraang naisip ng pamahalaan, ibaba ang alert level sa Metro Manila at iba pang panig ng kapuluan, tanggalin ang iba pang mekanismong iwas-hawaan at ang pagpapasok ng mga dayuhan at siyempre pa – mangutang nang mangutang.

Ang siste, sa tuwing magluluwag ang gobyerno, nagsisilbing hudyat ito para magwalwal ang mga tao. Kaya ang resulta – balik-problema dahil sa paglobo ng bilang ng mga tinamaan.

Ang masaklap, wala namang sapat na kakayahan ang pamahalaan para sa matagal nang isinusulong ng mga eksperto – ang mass testing.

Higit na nakababahala ay ang pinakabagong paandar ng gobyerno. Binuksan nang tuluyan ang bansa sa pagpasok ng mga dayuhan sa paniwalang sila ang magbibigay ng sigla sa ating kabuhayan.

Sa kabila ng pagtutol ng mga dalubhasa, nakalulungkot isiping ‘di na kailangan magpa-quarantine ang mga dayuhan kasi nga may perang kalakip ang kanilang pagdating.

Hindi pa nagkasya sa salaping pangakong pagsigla ng ekonomiya sa pagpasok ng mga dayuhan, ang gobyernong Duterte, kabi-kabila na naman ang ginawang ­pangungutang.

Sa totoo lang, nauumay na ang sintang bayan. Ang gobyernong Duterte, sadya yatang pera-paraan.

206

Related posts

Leave a Comment