SA isang huntahan, narinig ko ang pag-uusap ng mga magulang ukol sa kanilang mga anak na naapektuhan ang kanilang hanapbuhay sa halos dalawang taong pandemya sa COVID-19.
Kung hindi nawalan ng trabaho ang kanilang mga anak, nabawasan ang kanilang sahod dahil may mga kumpanya ang nagbawas ng sahod ng kanilang mga empleyado para huwag lang silang ma-retrench.
Ibig sabihin, ang mga anak ng mga nag-uusap na mga magulang ay nagtatrabaho sa pribadong sektor na labis na naapektuhan nang kumalat sa mundo ang COVID-19 na nagsimula sa Wuhan, China.
May magulang na nagsasabi na ang kanilang anak ay nagbabalak na magtrabaho na lamang sa ibang bansa pero ang problema, kahit saang sulok ngayon ng mundo ay may COVID-19 kaya hindi sila makaalis.
Ang iba naman ay gusto na lang magnegosyo pero mahina ang ekonomiya ngayon ng bansa at wala silang puhunan para makapagsimula ng maliit na negosyo dahil nawalan sila ng trabaho at ‘yung ipon nila bago ang pandemya ay nahugot na sa baul.
Biglang may sumingit sa huntahan na nagpayo sa mga nag-uusap na sabihan ang kanilang mga anak na magtrabaho sa gobyerno dahil kung merong mga manggagawa na hindi naapektuhan ang sahod sa panahon ng pandemya, ang mga ito ay state workers.
May tama ‘yung mama. Hindi nabawasan ang sahod ng mga manggagawa sa gobyerno dahil nakapondo na ang kanilang sahod sa buong taon. Kahit anong kalamidad, pandemya at sakuna ang mangyayari, hinding-hindi mababawasan ang kanilang sahod.
Kahit karamihan sa state workers ay nag-work from home ay hindi nabawasan ang kanilang sahod. Kahit ‘yung mga job order at contractual workers, hindi nabawasan ang kanilang sahod sa panahon ng pandemya.
Sa katunayan nga, tuloy-tuloy pa rin ang kanilang benepisyo lalo na ‘yung matataas ang posisyon sa gobyerno kaya hindi sila apektado sa pandemya hindi tulad ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Ang gobyerno ang pinakamalaking employer dahil mahigit 1.8 million ang kanilang empleyado kasama na ang mga contractual at job order employees na karamihan ay nasa Local Government Units (LGUs) at hindi sila nalugi kumpara sa mga employer sa pribadong sektor.
Kaya may tama talaga ‘yung mama, kumbinsihin ang mga bata na magtrabaho sa gobyerno para hindi sila maapektuhan sa panahon ng pandemya na nararanasan ngayon. Pero dapat ding sigurong sabihan sila na kapag nagtrabaho sa gobyerno, sulitin ang sahod nila sa pagsisilbi nang tama sa mga tao.
