IKINABABAHALA na makakuha ng panibagong sakit ang mga residente malapit sa compound ng likurang bahagi ng Quezon Medical Center (QMC) dahil sa tone- toneladang medical wastes nito na matagal nang nakatambak doon.
Ang pagkaipon ng medical waste ay kasabay ng paglobo ng bilang ng mga nai-infect at namamatay sa COVID-19 virus sa lalawigan ng Quezon.
Nagpaabot na umano ng reklamo ang ilang residente sa management ng ospital na pinamumunuan ni Dr. Rolando Padre subalit hindi ito naaaksyunan.
“Nag-aalala nga kaming mga tagarito dahil sa malansa at napakabahong amoy ng mga basurang ‘yan ng QMC. Baka hindi dahil sa COVID kundi dahil sa masangsang na amoy na ‘yan kaya kami magkakasakit at mamamatay,” hinaing ng isang residente malapit sa lugar na tumangging magpakilala.
Pati umano mga kaanak ng pasyente na pumaparada malapit sa lugar maging ang mga napapadaang motorista ay dumadaing din sa amoy ng mga basura.
Kabilang sa mga nagrereklamo dahil sa mabahong amoy ng gabundok na mga basura ay ang mga madre sa Mt. Carmel Diocesan General Hospital na malapit lamang sa lokasyon ng QMC.
Sinabi ng mga ito na napaka-insensitive ni Dr. Padre dahil tila nagbibingi-bingihan umano ito sa mga hinaing at reklamo.
“Alam naman natin na kabilang sa mga ganyang medical wastes ng mga hospital ay yung mga tinatawag na pathological wastes na kinabibilangan ng mga amputated tissues, organs at body parts kaya kakaiba ang baho ng amoy,” dagdag pa ng galit na residente.
Sinabi ng mga residente na ang tone-toneladang medical wastes ng QMC ay malaon nang nakatambak sa loob at labas ng hazardous waste storage facility ng ospital sa hindi pa malamang kadahilanan.
Napag-alaman sa isang source na ang kompanyang Enviro Care Services ang humahawak sa waste collection and disposal ng QMC.
Sinabi ng source na posibleng nagkaroon ng problema sa pagitan ng ospital at ng waste collector kung kaya matagal nang nahinto ang pagkuha sa mga basura.
Ayon pa sa source, umaabot sa higit-kumulang isang toneladang basura ang napo-produce ng ospital kada araw dahil sa dami ng mga pasyente rito.
Dahil dito, ang mga nagrereklamo ay nananawagan kay Governor Danilo Suarez upang kanyang aksyunan ang problema dahil ang QMC na siyang panlalawigang pagamutan ay nasa ilalim ng kanyang kontrol at superbisyon.
“Alam po namin na ang atensyon ni Gov. Suarez ay matagal nang naka-focus sa pulitika dahil patuloy ang pag-angat ng kanyang katunggali. Pero kami ay nakikiusap sa kanya na lapatan naman niya ng mabilisang aksyon ang problema naming ito,” wika pa ng isang residente.
213
