WALANG SUSTANSYANG BABALA

KUMPARA sa mga nagdaang halalan, higit na maingay ngayon ang Commission on Elections (Comelec) sa mga paalala at babala kaugnay ng mga patakarang dapat sundin sa panahon ng pangangampanya.

Ang totoo, mandato ng Comelec ang tiyakin ang isang tapat, maayos at malinis na halalan, bagay na higit na kailangang tutukan at panindigan. Malaking bentahe man ang mga paalala’t babala, mas angkop na lakipan ng gawa ang kanilang bawat salita.

Ang siste, limitado ang kakayahan ng Comelec sa ginawang pagtapyas ng pondo para magampanan ng buong husay ang mandatong sa kanila’y nakaatang.

Kamakailan lang, inilatag ng Comelec ang mga aktibidades na hindi pahihintulutan sa pagtuntong ng kampanya – ang labis-labis na paggastos ng mga kandidato, mga pagbabawal tulad ng pagbabahay-­bahay, pagpapamahagi ng ayuda, pagbili ng boto at iba pang nakagawian na sa tuwing sasapit ang panahon ng halalan.

Sa aspeto ng labis-labis na paggasta ng pondo, may nasampolan na, pero ang sigurado marami pang iba ang dapat sana’y kinastigo ng nasabing ahensya.

Pagdating naman sa pagbabahay-bahay ng mga pulitiko, tanging aasahan lang nila’y taumbayang haharap at magrereklamo kasabay ng paghahain ng ebidensyang magdidiin sa mga pulitiko. Pero sino naman ang maglalakas-loob laban sa mga may perang pulitiko? Meron naman kung pakawala ng “kabila”.

Bawal din anila ang pamimigay ng ayuda. Ang tanong, kaya bang tugunan ng Comelec ang hiling na tulong ng mga botanteng nasa peligro o ‘di naman kaya’y kumakalam ang sikmura?

Mahigpit din ang tagubilin ng Comelec laban sa pagbili ng boto. Ang tanong, paano nila susupilin ang vote-buying sa ilalim ng digital money transfer? Hindi uubra kung sa mga Martires lang sa mga lansangan ang kanilang pagbabatayan.

Sa isang banda, batid ng Comelec ang kalakaran sa tuwing sasapit ang halalan. Kabi-kabilang siraan ng mga magkakalaban, pera-perang intindihan, sistematikong dayaan, walang pakundangang paglabag sa mga patakaran at karahasan.

Ito at iba pa ang kanilang kailangang tutukan, pero malabong magampanan dahil sa tinapyas na Comelec budget ng mga ­henyo sa Batasan.

179

Related posts

Leave a Comment