FIBA Asia Cup 2022 draw KALABAN NG GILAS KIKILATISIN

Ni ANN ENCARNACION

SA Pebrero 18 malalaman ang mga makakasagupa ng Gilas Pilipinas, sa gaganaping FIBA Asia Cup 2022 draw sa Beirut, Lebanon.

Matutukoy sa draw ang apat na grupong koponan na lalahok sa FIBA Asia Cup mula Hulyo 12-24, 2022 sa Jakarta, Indonesia.

Kabuuang 16 na koponan ang magtatagisan na kinabibilangan ng host Indonesia, defending champion Australia, Bahrain, China, Chinese Taipei, India, Iran, Japan, Jordan, Kazakhstan, Korea, Lebanon, New Zealand, Philippines, Saudi Arabia at Syria.

Ang FIBA Asia Cup 2022 draw ay magkakaroon ng live streaming sa FIBA YouTube Channel at FIBA Asia Cup Facebook page.

Nitong nakaraang linggo lang ay inanunsiyo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang pagbabalik bilang mentor ng national men’s team ni TNT coach Chot Reyes.

DWIGHT
RAMOS
MAGBABALIK

MULING maglalaro para sa Gilas Pilipinas sa gaganaping 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers si Dwight Ramos.

Ibinahagi ng koponang Toyama Grouses sa Japan B.League nitong Biyernes, bumalik na sa Pilipinas ang kanilang player na si Ramos.

“@dramos_ left for the Philippines to join Gilas. Good luck, Dwight!!!” post ng Grouses sa Twitter.

Ito ang dahilan kaya’t hindi na makakasama ng Toyama ang 6-foot-4 cager sa kanilang laro ngayong weekend kontra Ibaraki Robots sa Adastria Mito Arena.

Si Ramos ay nag-average ng 9.8 points, 3.8 rebounds at 1.9 assists per game sa Grouses.

Magugunitang naglaro rin ang Filipino-American para sa Gilas sa 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers at nakapagtala ng 13.8 points, 6.2 rebounds at 2.2 assists per contest.

Gaganapin ang first window ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Pebrero 24-28.

CASTRO, WILLIAMS
KASAMA RIN

MAY posibilidad na magbalik mula sa pagreretiro sa national team si Jayson Castro.

Kaugnay nito, maaaring makasama niya sa Gilas Pilipinas ang kanyang TNT teammate na si rookie Mikey Williams.

Inamin ng nagbabalik na Gilas coach at TNT mentor na si Chot Reyes, plano niyang samahan ng ilang PBA players ang pambansang koponan sa first window ng torneo.

Ayon kay PBA commissioner Willie Marcial, nagpulong sila ni Reyes nitong nakaraang linggo upang talakayin ang pag-incorporate ng ilang TNT players sa Gilas. Ngunit nakasalalay ito kung aaprubahan ng PBA Board.

Bilang host, kasama ang Japan at Indonesia, awtomatikong seeded na ang Pilipinas sa World Cup. Sa kabila nito, nais ni Reyes na lumaban ng husto ang Gilas sa mga qualifying window bilang parte ng kanilang ­paghahanda para sa 2023.

Paliwanag ni Marcial, ayaw ni Reyes maistorbo ang pagbabalik ng liga kaya tanging mga manlalaro lamang ng TNT ang nais nitong maisama sa pambansang koponan.

277

Related posts

Leave a Comment