HINDI limitado sa mandatong pangongolekta ng taripa at pagpuksa sa sindikato sa likod ng smuggling activities ang kayang ibigay ng Bureau of Customs (BOC), ayon sa Port of Cebu kasunod ng pagsasagawa ng isang programang nagsusulong ng bayanihan sa kalusugan.
Kamakailan lamang, isinagawa ng BOC-POC, sa pakikipagtulungan ng Department of Health-Regional Office VII, National Voluntary Blood Services Program (NVBSP), Subnational Blood Center for Visayas (SNBCV), at Cebu Portmen Eagles Club ang programang Duguyanihan sa hangaring makapagbigay ng dugong maaaring gamitin sa pagsagip at pagdurugtong ng buhay.
Kabilang sa mga nakiisa mat nag-alay ng dugo ang mga empleyado ng iba’t ibang brokerage firms, opisyal, kawani mula sa iba’t ibang departamento ng Cebu district collection office sa nasabing lalawigan.
Sa tala ng ahensya, umabot sa 30 bag ng dugo ang nakalap para lamang sa isang maghapong blood-letting activity na ginanap sa POC Multi-Purpose Hall nitong nakaraang Enero.
“There is an increase of blood demands in our hospitals and healthcare centers especially in this time of the pandemic, which was exacerbated by Typhoon Odette. Many lives will be saved through the blood that will be collected from this activity.
We hope that through this, we are able to raise awareness on the importance of blood donation,” ani Deputy District Collector Atty. Marc Anthony Patriarca na tumayong Project Head para sa nabanggit na aktibidad. (JO CALIM)
