PAGKAWALA NG 26 SABUNGERO NAKAKAALARMA NA

HINDI na biro ang pagkawala ng 26 sabungero mula sa iba’t ibang sabungan sa Metro Manila at iba pang kalapit na mga lalawigan.

Sa nakuhang impormasyon ng PUNA, ang 10 sabungero mula sa Bulacan ay nanggaling din umano sa kaparehong cockfighting arena sa Sta. Cruz, Laguna.

Unang napaulat na nawala ang 4 sa kanila sa Sta. Cruz noong Enero 13, 2022.

Kasunod nito ang isa pang insidente ng pagkawala ng 6 na sabungero sa Maynila sa kaparehong araw.

Isang buntis na sumama lang sa kanyang nobyo na nagpunta sa sabungan sa Laguna, ang nawawala rin.

Base sa nakuhang info ng PUNA, game fixing daw ang dahilan ng pagkawala ng mga sabungerong ito.

Kailangan managot ang nasa likod nito, hindi na ito “isolated case” dahil 26 katao na ang nabibiktima rito.

Ayon sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), 24/7 ang kanilang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang kinaroroonan ng utak ng krimeng ito.

Hala sige, sir PNP-CIDG Director P/Major Gen. Albert Ignatius Ferro, tugisin n’yo ang utak ng pagkawala ng 26 kawawang ­sabungero.

Parang manok lang na panabong ang biglang pagkawala ng mga naglilibang na mga kababayan natin sa sabungan.

Hindi rin sila naawa sa isang buntis na nadamay pa sa kanyang nobyo na sumama sa sabungan.

May tiwala naman tayo sa pamunuan ng CIDG na malulutas nila ang kaso.

Malinaw sa kanilang sinabi na tinutunton na nila ang kinaroroonan ng utak ng pagkawala ng mga sabungero, kakalawitin na lang nila.

Posibleng tukoy na rin ng mga awtoridad kung sino ang nasa likod nito.

Naniniwala ang PUNA na isa sa mga dahilan ng pagkawala ng mga sabungero ay ang game fixing sa mga sabungan na sinabi sa atin ng ating kaibigang siliperong barbero.

Mukhang sindikato ang nasa likod ng game fixing na ito na nag-o-operate sa mga sabungan.

Sana makipagtulungan ang mga may-ari ng mga sabungan sa mga awtoridad dahil kawawa naman ang kanilang mga parukyano.

Para sa inyo rin naman ‘yan, dahil baka matakot na ang inyong kustomer na pumasok sa mga sabungan kapag hindi nabigyan ng hustisya ang pagkawala ng 26 sabungero.

Marami kasing nagtataka, kung bakit sunod-sunod na insidente ng pagkawala nila na umabot pa ng 26 sabungero.

Kaya ngayon nakasalalay kay Maj. Gen. Ferro na mabigyan ng hustisya ang pagkawala nila.

Hanggang ngayon ang kanilang mga kamag-anak ay ­humi­hiling ng hustisya sa pagkawala ng kanilang mga kaanak na nagpunta lamang sa sabungan ngunit bigla silang nawala.

Hindi nila lubos maisip kung bakit nagkaganun na humantong pa sa pagkawala ng kanilang mga kamag-anak.

Inaasahan ng PUNA na sa susunod na mga araw ay inaaanunsyo na ni Maj. Gen. Ferro na nakalawit na nila ang ilan sa mga nasasangkot sa krimeng ito.

Naalala ko tuloy ang lolo ko, simula nang magkaroon ako ng isip ay nakikita kong libangan na niya ang sabong.

Kung may parangal na perfect attendance sa mga sabungan, siguro nakuha na niya ang nasabing pagkilala.

Lord nawa’y humupa na ang COVID-19, Amen.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.

336

Related posts

Leave a Comment