ITUTULAK ng Metro Manila Council (MMC) na ibaba sa Alert Level 1 ang kalakhang Maynila kapag nanatiling mababa ang kaso ng COVID-19.
Imumungkahi ito ng MMC sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) upang lumuwag ang paggalaw ng tao at madagdagan pa ang pagbubukas ng mga negosyo.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni MMDA Officer in Charge General Manager Atty. Romando Artes na nakatutok sila ngayon sa datos.
Kapag nakita aniya nilang naabot na ang threshold para sa pagbaba ng alert level ay kanilang irerekomenda sa IATF ang Alert Level 1.
Wala naman umanong tutol sa mga alkalde ng Kalakhang Maynila sa planong pagluluwag.
Samantala, kinumpirma ng Malakanyang na tinanggap na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang resignation letter sa Office of the President ni dating MMDA Chairman Benhur Abalos.
Sinabi ni Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, na puno ng dedikasyon at propesyonalismo ang naging pagseserbisyo ni Abalos sa MMDA sa ilalim ng Administrasyong Duterte.
Dahil dito, ipinagpapasalamat ng Malakanyang ang mahahalagang nagawa ng dating MMDA Chief, partikular na sa mga panahong humaharap sa matinding hamon ang bansa dahil sa pandemya.
Binigyang diin ni Nograles na napakahalaga ng naging papel ni Abalos nang magpalit o mag-shift sa alert level system ang bansa na unang sinimulan sa Metro Manila.
Nagbitiw sa pwesto ang dating MMDA Chief upang maging campaign manager ni dating senador at ngayo’y presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (CHRISTIAN DALE)
199
