PATULOY sa paglalatag ng iba’t ibang police operations ang PNP Bicol na nagresulta sa pagkakadiskubre sa daan-daang mga bala para sa iba’t ibang kalibre ng baril at mga kagamitan sa lalawigan ng Masbate.
Ayon sa ulat na isinumite kay PNP-PRO5 Regional Director P/BGen. Jonnel C. Estomo, isang concerned citizen ang nagpaabot ng impormasyon sa mga mga tauhan ng Dimasalang MPS habang nagsasagawa ng mobile patrol.
Nabatid sa concerned citizen, isa umanong kahinahinalang itim na abandonadong bag at helmet ang kanyang nakita sa gilid ng kalsada sa Brgy. G. Alino, Dimasalang, Masbate.
Agad na bineripika ng mga operatiba ang sumbong at natagpuan ng mga ito ang sinasabing itim na bag.
Marahang binuksan ng nagrespondeng mga pulis ang nasabing bag at nakita sa loob nito ang dalawang steel magazine para sa carbine at kargado ng lima at anim na bala.
Natagpuan din dito ang 143 rounds ng bala para sa carbine; pitong 7 bala para sa kalibre 22; 17 bala para sa 12 gauge shotgun; isang tape recorder; isang handheld sewing machine; dalawang negative film; isang flash drive; dalawang marker ink; isang digital moisture meter; isang plantsa sa buhok; isang Bluetooth speaker at charger; dalawang surgical gloves; dalawang screwdriver; limang librong pang medikal; dalawang libro para sa mga bata; raincoat at kulay dilaw na T-shirt.
Ang mga ito ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng Dimasalang MPS para sa kaukulang disposisyon.
Samantala, ipinag-utos ni RD Estomo na agad itong imbestigahan upang tukuyin kung sino ang nagmamay-ari ng narekober ng items.
“Ang ating kapulisan ay patuloy na mangangalap ng impormasyon upang alamin kung sino ang nagmamay-ari ng bag na nakuha ng ating mga operatiba habang ang mga ito ay nagpapatrolya. Makakaasa po ang ating mga kababayan na patuloy ang pagbabantay ng PNP Bicol sa seguridad ng rehiyon laban sa ano mang uri ng paglabag sa batas,” pahayag ni RD Estomo. (JESSE KABEL)
245
