ISANG pasabog ang nakatakdang isiwalat ng mga militanteng kongresista kaugnay ng diumano’y motibo ng Department of Agriculture sa likod ng planong pag-angkat ng 200,000 tonelada ng asukal sa kabila pa ng sapat na suplay sa bansa.
Sa House Resolution 2495, nanindigan ang mga kinatawan ng Bayan Muna partylist group na walang dahilang mag-angkat ng asukal ang DA dahil wala naman anilang kakulangan sa suplay, batay na rin sa ulat ng Sugar Regulatory Administration (SRA) nito lamang Pebrero 6.
Iginiit din ng Bayan Muna ang kagyat na imbestigasyon ng House committee on agriculture and food sa hangaring tuklasin ang umano’y adyenda ng mga namumuno sa nasabing departamento.
Ayon sa SRA, pumalo sa 42% ang itinaas sa antas ng produksyon ng refined sugar, bagay na ayon sa mga militanteng kongresista ay taliwas sa pahiwatig ng kagawarang pinamumunuan ni Agriculture Secretary William Dar.
Sa nasabing ulat ng SRA, lumalabas na nakapag-produce ang local sugar industry ng 353,779.10 tonelada ng asukal – higit na mataas kumpara sa 249,515.8 toneladang naitala noong taong 2020.
Maging sa larangan ng produksyon ng tinatawag na raw sugar, tumaas rin ng 2.3% ayon pa din sa naturang ulat ng SRA.
Sa kabila anila ng positibong produksyon ng asukal sa bansa, inaprubahan pa rin ni Dar ang Order No.3 na nagbibigay pahintulot sa mga importers na umangkat ng 200,000 toneladang refined sugar.
Katwiran naman ng DA, lubhang apektado ang suplay ng refined sugar sa mercado bunsod ng pinsalang iniwan ng bagyong Odette noong Disyembre 2021 sa mga tubuhan sa Negros, Panay at Eastern Visayas.
“The decision of DA to import 200,000 MT of refined sugar is questionable due to its contrasting nature with regards to the department’s own data citing a prominent increase in refined sugar production as demonstrated by the Sugar Regulatory Administration’s (SRA) report last February 6, 2022, “ayon pa sa resolusyon. (BERNARD TAGUINOD)
241 