TINIYAK ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Dionardo Carlos na puspusan ang kanilang pagtatrabaho upang matunton ang mga nawawalang sabungero.
Ayon kay Carlos, may mga pahayag nang nakuha ang PNP mula sa mga testigo at mga ebidensya na maaaring ibigay sa National Bureau of Investigation (NBI).
Kaugnay nito, pormal nang hiniling ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) ang kooperasyon ng kontrobersyal na e-sabong promoter na si Atong Ang, kaugnay ng magkakahiwalay na pagdukot sa 29 kataong naglaho sa mga sabungan.
Ayon kay CIDG director Major General Albert Ignatius Ferro, kabilang rin sa kanilang hiniling sa tanyag na gaming promoter ang walang putol na kopya ng mga CCTV footages na kuha mula sa pagdating at paglisan sa kanyang mga sabungan ng mga dinukot na sabungero.
Paniwala ni Ferro, malaki ang magiging ambag ng kumpletong kopya ng CCTV footages sa kanilang hangad na solusyunan ang mga kaso ng mga nawawalang indibidwal na una nang sinabing sangkot sa game-fixing.
Gayunpaman, nananatiling tikom ang nasabing opisyal nang tanungin kung nasa kustodiya nila ang sinasabing “person of interest” na unang isiniwalat ni Calumpit PNP chief Colonel Wendell Arinas.
Wala rin kumpirmasyon kung sumang-ayon si Ang sa hiling ni Ferro.
Sa datos ng PNP, karamihan sa mga biktima ay nakabase sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) region, Bulacan at Metro Manila.
Gayunpaman, tiniyak ng opisyal na patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng CIDG. Katunayan aniya, isa sa mga pinakatutukan nilang anggulo ay ang pagkakasangkot ng mga biktima sa dayaan sa ruweda. Ang modus – maglarga ng mga tyopeng panabong, sabay buhos ng pusta sa kabila.
Giit naman ng mga kaanak ng mga biktima, ilutang ang kanilang mga padre de pamilya – patay o buhay.
Kaugnay nito, hiniling ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano sa gobyerno na pag-isipang mabuti ang kanilang posisyon sa e-sabong.
“We once again call on the government to rethink their position on e-sabong and to act immediately on these cases,” ayon kay Cayetano na isa sa mga tutol sa e-sabong.
Ayon sa mambabatas, ang krimeng ito na nakatakdang imbestigahan ng Senado ngayong araw (Pebrero 24), ay epekto umano ng pagpayag ng gobyerno sa operasyon ng e-sabong.
Sa pangunguna ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, chairman ng Senate committee on public order and illegal drugs, sisimulan ng Senado ang imbestigasyon sa pagkawala ng mga sabungero mula noong nakaraang taon.
“‘Wag nating hintayin na mas marami pa ang mawala at mabaon sa utang. Let’s protect our kababayans, especially our youth,” ayon pa sa mambabatas. (JESSE KABEL/BERNARD TAGUINOD)
339 