SA gitna ng kabi-kabilang paandar at pangako ng mga pulitikong kalahok sa nalalapit na halalan sa Mayo, higit na angkop na kilatisin ang mga kandidato sa larangan ng edukasyon ng mga kabataang pag-asa ng bayan.
Ang totoo, hindi na naman bago ang matamis na pangakuan sa tuwing sasapit ang halalan. Madalas kaysa hindi, ang binitawang pangako habang nakikiusap na sila’y iboto, nakakaligtaan sa sandaling makuha na ang pangarap na pwesto.
‘Yan mismo ang dapat iwasan! Pero paano nga ba makakaiwas kung lahat ng kandidato’y matamis mangusap? Ang sagot – walang katiyakan.
May ilang elementong higit na kailangang tutukan. Una marahil ang konkretong plano at plataporma sa sandaling maupo sa pwesto at ang personalidad batay sa nakaraan ng isang kandidato.
Malaking bentahe rin ang kanilang pagharap sa publiko sa paraang debate, panayam at aktuwal na pagharap sa tao.
Para sa mga puntirya ang pwesto ng pangulo, pangalawang pangulo, senado at pagiging kinatawan sa ilalim ng party-list system, dapat sigurong ilahad ang kanilang plano (kung meron man) at kung paano mapabubuti ang kalidad ng edukasyon sa bansa sa susunod na anim na taon.
Taliwas sa paniwala ng marami, bagama’t nakalulugod, hindi sapat ang pagpapatayo lang ng mga karagdagang paaralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa para tugunan ang hamon para sa mas mataas na antas ng husay sa larangan ng edukasyon.
Higit na kailangan ang pagkakaroon ng mga mainam na guro, bagay na posible lang kung sila’y kinakalinga ng gobyerno.
Ang siste, ni hindi magawang maiangat ng gobyerno ang antas ng pamumuhay ng itinuturing na haligi ng pangalawang tahanan ng mga mag-aaral na Pilipino. Ang masaklap pa, nalalagay sa peligro ang kaligtasan at kalusugan ng mga guro sa tuwing may halalan na nababalutan ng karahasan, delubyong nawawaglit sa atensyon ng pamahalaan at pandemyang sukdulang nabahiran ng katiwalian tulad ng naganap nitong nakalipas na dalawang taon.
Sapat ba ang P25,000 na buwanang sahod (entry level) ng mga guro?
Kung babalikan ang nakaraan, taong 2018 pa nang itaas ang sahod ng mga akademista. Sa haba ng panahong nagdaan, halos dumoble na rin ang presyo ng lahat ng mga pangunahing pangangailangan ng mga guro at ng kani-kanilang pamilya – presyo ng langis sa merkado, pasahe sa pampublikong sasakyan, pagkain tulad ng bigas, gatas, isda, karne, gulay at iba pa – maging ang gamot sa tuwing may karamdaman.
Sa madaling salita – hindi na sapat.
Ang nakalulungkot, tila wala sa plataporma ng sandamakmak na pulitiko ang edukasyon – marahil dahil hindi pa naman nila kailangan ang mga estudyante sa elementarya at high school, kasi nga hindi pa naman sila mga botante.
197 