HINIMOK ni dating Makati Rep. Monsour del Rosario ang sambayanang Pilipino na ipagmalaki sa mundo ang tunay na diwa ng pagkakaisa sa gitna ng pagdiriwang ng ika-36 na anibersaryo ng EDSA revolution.
“Bata pa ako noong 1986, pero tumatak sa isip ko na ang pagiging Pilipino ay isang bagay na dapat nating ipagmalaki. Dinala ko yan sa sports nung ako’y lumaban sa mga international competition para sa Taekwondo kung saan winagayway namin ang bandila ng bansa hanggang sa Olympics,” saad ni del Rosario.
“Dinala ko rin ito nung ako’y magsimulang manungkulan bilang konsehal at kongresista sa aking siyudad na Makati,” dagdag nito.
Sinabi ng tumatakbong senador na hindi dapat kalimutan ang tunay na diwa ng pagkakaisa ay hindi lamang makikita sa pagpoprotesta sa kalsada.
Ito anya ay maaari nating ipamalas sa ating mga tahanan, sa ating trabaho, sa ating komunidad – ang pagtindig nang taas noo at di padadaig sa harap ng katiwalian, korapsyon, at kawalan ng katarungan sa lipunan.
“Maraming mga dagok sa demokrasya saan man sa mundo ngayon bunga ng mga tiwaling opisyal, ng pandemya, ng giyera, subalit alam ng Pilipino na nasa pagkakaisa ng bawat mamamayan ang susi upang malampasan ang lahat ng iyan,” dagdag nito.
“Nawa’y taimtim nating gunitain ang ika-36 na anibersaryo ng EDSA PEOPLE POWER! Mabuhay ang Pilipinas,” pahayag pa ng senatoriable.
Si Monsour del Rosario ay nagsilbi bilang City Councilor sa 1st District ng Makati mula 2010 hanggang 2016, at kalaunan bilang Congressman sa 17th Congress of the Philippines na kumakatawan sa parehong distrito mula 2016 hanggang 2019.
Ipinanganak sa Maynila at lumaki sa Bacolod, nakilala siya sa mundo ng martial arts bilang miyembro ng Philippine National Taekwondo Team mula 1982 hanggang 1989, hinirang bilang eight-time National Lightweight champion, at sumabak din sa 1988 Seoul Olympics.
Sa kanyang pagtakbo bilang Senador, isinusulong ni Del Rosario ang pagbibigay ng karampatang pension para sa mga atleta, ang Healthcare Heroes Card para sa mga health and medical frontliners, at ang pagbibigay ng tamang edukasyon at suporta sa mga batang may different learning abilities. (DANG SAMSON-GARCIA)
