PAGHAHANDA PARA SA TAG-INIT AT HALALAN 2022 Maayos na serbisyo ng kuryente, tiniyak ng Meralco

Napaka-importante ng pagkakaroon ng maasahan at tuloy-tuloy na serbisyo ng kuryente sa paparating na tag-init lalo na’t nakatakdang ganapin sa ika-9 ng Mayo ang Nasyonal at Lokal na halalan.

Bilang kasapi ng National Elections Task Force, nagpahayag ang Manila Electric Co. (Meralco) na handa itong aksyunan ang kahit na anong maging aberya sa halos 3,000 na polling centers at higit 100 na canvassing centers sa loob ng franchise area nito.

Upang masiguro na nasa maayos na kundisyon ang mga pasilidad sa kuryente ng mga paaralang magsisilbing canvassing at polling centers, regular na iniinspeksyon ng Meralco ang mga service drop, service equipment, fuse at circuit breaker ratings, load side wirings, at kundisyon ng mga metro nito. Ang mga resulta ng kanilang inspeksyon ay agad nire-resolba bago pa dumating ang araw ng halalan.

Nagsasagawa rin ang Meralco ng inspeksyon at maintenance sa lahat ng distribution facilities nito na matatagpuan sa mga kritikal na lokasyon na natukoy ng Commission on Elections (Comelec) para masiguro na nasa pinaka-maayos na kondisyon ang mga ito sa araw ng halalan.

Sa isinagawang mock elections ng Comelec nitong nakaraang Disyembre, nagsagawa ng simulations ang Meralco ng iba’t ibang outage incidents upang sigurihin ang kahandaan ng kanilang mga tauhan sa pagresponde sa mga aberyang maaaring mangyari.

Nasubukan din ang kahandaan ng call center group ng Meralco na tumanggap ng mga tawag na may kinalaman sa iba’t ibang klaseng electricity-related na insidente, na agad ibinabato sa crew upang maaksyunan.

“Historically, Meralco’s franchise area has had no problems during election period, but we have prepared contingency plans in case of isolated power outages to ensure that our facilities and personnel are ready to respond to any emergency,” sabi ni Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco at Vice President para sa Corporate Communications.

“Our generator sets are ready, and our crews will be deployed in strategic locations so that in case of isolated interruptions, we can immediately respond and resolve the problem,” dagdag niya.

KARAGDAGANG SUPLAY SA TAG-INIT

Ang isang importanteng bahagi ng paghahanda ng Meralco para sa darating sa tag-init ay ang pagsisikap na makakalap ng 350 MW na karagdagang suplay ng kuryente para sa inaasahang pagtaas ng demand hanggang Hulyo 2022.

Kamakailan lang ay nakuha ng kumpanya ang pinakamababang presyo ng suplay mula sa South Premiere Power Corporation para sa 170 MW na peaking power requirement sa pamamagitan ng isang competitive selection process (CSP) nitong nakaraang Pebrero 2. Ang kontrata ay inaasahang magiging epektibo mula Pebrero 26, 2022 hanggang Hulyo 25, 2022.

Balak din ng Meralco na magkaroon ng isa pang round ng CSP upang mapunuan ang natitirang 180 MW ng baseload capacity na kailangan para sa darating na tag-init.

Ginagawa ang paghahandang ito upang hindi sumipa ang singil sa kuryente dahil makakatulong ito maibsan ang presyo mula sa merkado kung saan ang  kadalasang tumataas kapag mataas ang demand at kaunti ang suplay.

Bukod sa CSP, kasama rin sa dati ng ipinatutupad ng kumpanya ang Interruptible Load Program (ILP) na isa sa mga demand-side ma­nagement efforts ng Meralco.
Ang ILP ay isang boluntaryong programa kung saan pansamantalang gagamitin ng mga malalaking kumpanya ang kanilang gener

ator sets kapag kulang ang suplay ng kuryente sa grid at nanganganib na magkaroon ng mga brownout.

Kapag idineklara ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang Yellow Alert, na ibig sabihin ay manipis ang reserba sa suplay ng kuryente, inaalerto ng Meralco ang kanilang mga malalaking customers na ihanda na ang kanilang mga pasilidad. Sa oras na iakyat ang alertong ito sa Red Alert o kapag kulang na ang suplay ng kur­yente, ipapatupad na ng Meralco ang ILP at hihilingin sa mga kasapi ng program na pansamantalang mag de-load mula sa grid.

Ang programang ito ay nakakatulong upang mabalanse ang suplay at demand, na makakatulong naman para maiwasan ang malawakang pagkawala ng kuryente.  Ang mga naunang pagpapatupad ng ILP ay nakatulong sa milyun-milyong kabahayan mula sa rotating brownouts.

Base sa pinakahuling datos, nasa 124 na kumpanya ang bahagi ng programang ito at mayroon silang total de-loading capacity ng higit sa 560 MW.

387

Related posts

Leave a Comment