MERALCO MULING NAGBABALA LABAN SA PAGNANAKAW NG MGA PASILIDAD NG KURYENTE

Muling pinapaalalahanan ng Meralco ang publiko na ang pagnanakaw ng mga kable ng kuryente at iba pang pasilidad ng kumpanya ay lubhang mapanganib at labag sa batas.

Ito ay matapos masawi ang 34 anyos na lalaking sangkot sa tangkang pagnanakaw ng mga kable ng kuryente sa bahagi ng Barangay Bahay Toro, Quezon City nitong Sabado ng madaling araw, Abril 25.

Nagdulot din ng antala sa serbisyo ng kuryente sa mahigit 6,000 customer ang insidente.

Agad din naman naibalik ang serbisyo ng kuryente matapos ang halos dalawang oras na pagsasaayos ng mga crew ng Meralco.

“Lubhang mapanganib at mahigpit na ipinagbabawal sa batas ang pagnanakaw ng mga pasilidad ng kuryente kagaya ng mga kable. Hinihikayat namin ang lahat na makipagtulungan sa pagpapanatili ng ligtas at maayos na serbisyo ng kuryente,” ani Meralco Vice President at Head ng Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga.

“I-report agad sa Meralco ang anumang kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa mga pasilidad nito,” dagdag pa niya.

Ang pagnanakaw ng mga pasilidad ng kuryente gaya ng kable ay may parusang hindi bababa sa 12 taon na pagkakakulong at multa mula P50,000 hanggang P100,000 sa ilalim ng Republic Act No. 7832. Ang mga bumibili naman ng mga nakaw na pasilidad ng kuryente ay mananagot sa ilalim ng Anti-Fencing Law at maaaring maparusahan ng pagkakakulong.

Maaaring i-report ng mga customer ang anumang alalahanin sa serbisyong kuryente sa pamamagitan ng MyMeralco app, o sa mga opisyal na social media account sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at X (@meralco). Maaari rin silang magtext sa 09209716211 o 09175516211, o tumawag sa Meralco Hotline 16211.#

375

Related posts

Leave a Comment