MAS marami sanang naisalbang buhay kung mayroong infectious disease hospital sa Pilipinas noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Ito ang iginiit ni Aksyon Demokratiko vice-presidential candidate Doc Willie Ong.
Sa debate na isinagawa sa University of Santo Tomas nitong Sabado, itinanong sa pitong vice-presidential candidates na dumalo, kung ano ang kanilang mga gagawing hakbang sa pagsugpo ng pandemya sakaling mahalal sa Mayo 9.
Ayon kay Ong, kinakailangang magtayo ng infectious disease hospital na laan para sa mga pasyente ng COVID-19. Bukod pa rito, mahalaga rin anya ang pagkakaroon ng Cancer Center of the Philippines (CCP) at modern hospitals sa iba’t ibang rehiyon upang mas mapabuti ang healthcare services sa bansa.
“Simple lang po eh kailangan natin magtayo ng infectious disease hospital. Dun natin ilalagay yung mga Covid patients. Hindi pwede sa PGH (Philippine General Hospital) namamatay yung ibang pasyente natin,” Ani Ong.
“Sana lang nagtayo tayo ng infectious disease hospital para hindi ilagay ang Covid patients sa PGH kasi nagrereklamo yung mga doctors, nadi-displaced yung mga cancer patients, yung
ooperahan, kaya marami namatay sa atin nung 2021. So, pag nakagawa tayo ng separate at least hindi na mao-overburden yung mga hospitals dahil nagkakahawaan eh, naghahawa yung Covid sa di Covid kaya di tayo makapagpa-check-up, napupuno po agad. I think may tulong kung magtatayo pa tayo ng ospital para hindi tayo magkulang ng hospital bed po,” dagdag nito.
Iminungkahi rin ni Ong na dapat nang bumili ang national government ng mga bagong gamot laban sa COVID-19, na maaring makapagpababa ng mga kaso ng hospitalization at deaths hanggang 88% sa bansa, tulad na lamang anya ng ginagawa ngayon sa Maynila sa pamumuno ni Manila Mayor Isko Moreno.
“Kailangan ng magandang gamot para sa Covid. May gamot na po para sa Covid, Paxlovid ang pangalan darating sa Maynila (at) na order ni Mayor Isko Moreno, February 27, napakaganda nito. Sa Amerika binibigay ito hindi ko alam bakit hindi natin binibili. So yung Remdesivir, Paxlovid and others na gagawin natin,” saad nito.
Kahit walang sapat na pondo para kanyang kampanya, iginiit ni Ong na kaya niyang gampanan ang trabaho ng bise-presidente dahil sa kanyang malawak na karanasan sa larangan ng medisina.
“Ako po ay isang doktor, internist at cardiologist. Mahirap po maging cardiologist. ‘Pag nagloko ang puso ng pasyente, we have to decide in 10 seconds. ‘Yun stressful pero sanay ako sa ganun. Dito sa gobyerno, marami kang adviser. Pwede ka ba maghintay ng isang linggo bago mag-decide?”
Dati nang nagpahayag si Ong ng pagka-alarma sa pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong namamatay kada taon. Anya, kailangang maging isa sa mga prayoridad ng gobyerno ang pagpababa sa bilang nito.
Ayon sa Commision on Population and Development (PopCom) umabot na sa pinakamataas na bilang ang mortality sa rate sa Pilipinas sa loob ng 63 taon, nang makapagtala ng 800,000 deaths sa bansa nitong 2021.
319
