GORDON SINOPLA NG PASAY RTC

gordon

MISTULANG sinopla ng Pasay City Regional Trial Court ang mandamyento de arestong inilabas ng Senate Blue Ribbon Committee kalakip ng contempt na ipinataw ni Senador Richard Gordon sa negosyanteng si Rose Nono Lin kaugnay ng hindi pagdalo sa pagdinig sa kontrobersyal na Pharmally procurement deal sa gobyerno.

Sa anim na pahinang kalatas ni Judge Elenita Dimaguila ng Pasay City RTC 122, kinatigan ng husgado ang petisyong inihain ni Lin sa di umano’y hindi makatwirang warrant of arrest na ipinalabas ng komiteng pinamumunuan ni Gordon sa kabila pa ng mga katibayang nagbibigay katwiran sa pagliban ng negosyante sa pagdinig ng Senado.

Sa tala ng Senado, pitong ulit na dumalo sa mga patawag ng blue ribbon committee si Lin, at ang tanging naging pagliban noong Disyembre 21, 2021 at Enero 27 ng kasalukuyang taon.

Paliwanag ng negosyante, hindi siya nakadalo noong Disyembre matapos magpositibo sa nakamamatay na COVID-19. Di rin aniya siya nakasipot noong Enero 27 dahil nasa Guimaras Island siya noong araw na iyon para kalingain ang mga magulang na lubhang sinalanta ng bagyong Odette. Imposible rin aniyang makadalo ito kahit sa paraang online dahil bagsak ang mga linya ng kuryente at komunikasyon noong mga panahon na iyon.

“Ordinarily, even in court proceedings, petitioner’s act of giving timely notice coupled with explanation and medical certificate, of her inability to attend a scheduled hearing, is given due course and accorded weight, especially so that records would show that said petitioner has been attending the past hearings and was actively participating therein,” saad ng inilabas na pasya ng korte.

“In the present case, it is unfortunate that the respondent BRC’s decision to cite the petitioner in contempt was swayed by its misgivings on the motives of the petitioner for not obeying its directive and the doubts of the chairman and the members of the respondent BRC on the real reason for petitioner’s failure to attend,” dagdag pa ng husgado.

Giit naman ng komite ni Gordon, inilabas ang warrant of arrest laban kay Lin dahil sa kawalan ng dokumentong nagbibigay katwiran sa kanyang pagliban sa pagdinig ng komiteng tanging may kapangyarihang ipatupad o bawiin ang inilabas na mandamyento – bagay na pinasinungalingan ng husgado, kasabay ng paglalabas ng “received copies” ng medical certificates at iba pang dokumentong tinanggap mismo ng tanggapan ng Senate Blue Ribbon Committee.

Nilinaw naman ng korte na tanging ang warrant of arrest na kalakip ng pagliban ni Lin noong Disyembre ang saklaw ng desisyon. Gayunpaman, hindi pa rin anila pwedeng arestuhin si Lin para sa ikalawang pagliban matapos itong makakuha ng temporary restraining order (TRO) mula sa husgado.

“In this case, the requisites for injunctive relief are present. Since the petitioner may be deprived of her liberty when arrested, there is an urgent paramount necessity to prevent a serious damage,” pahayag ng isang bahagi ng pasya ng korte.

Isinangkot ni Gordon ang pangalan ni Lin sa kontrobersyal na P8-bilyong procurement deal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation dahil stockholder diumano ang nasabing negosyante sa Pharmally Biological Pharmaceutical Company (PBPC), na una nang iginiit ng senador na sister company ng nabulilyasong kumpanya. (FERNAN ANGELES)

214

Related posts

Leave a Comment