NABABAHALA ang Philippine National Police (PNP) sa ulat na nagiging talamak ang mga kasong kinasasangkutan ng mga armadong Chinese partikular sa Metro Manila.
Ito ay kasunod ng pagkakapatay sa tatlong umano’y Chinese kidnappers na nakipagbarilan sa mga awtoridad sa Parañaque City nitong Linggo.
Sa ikinasang operasyon ng PNP Anti-Kidnapping Group kasama ang Pasay at Parañaque PNP, nasagip din ang dalawang Tsinong inabutan pang nasa loob ng kulungan ng mga aso.
Ayon kay Southern Police District director Jimili Macaraeg, matagal na nilang binabantayan ang kilos ng sindikato sa likod ng serye ng pagdukot ng mga Tsinong POGO workers, bunsod ng mga reklamong natanggap mula sa mga dayuhang Tsino – hanggang sa nangyari na nga ang engkwentro pasado alas-5:00 ng hapon, nitong Linggo sa Parañaque.
Narekober sa lugar ng engkwentro ang iba’t ibang kalibre ng baril, mga uniporme ng pulis, NBI at sundalo, at iba’t-ibang plaka ng mga sasakyang ginagamit sa operasyon ng naturang sindikato.
Iniutos na ni PNP-National Capital Region Police Office Director Mgen Vicente Danao ang pagbusisi sa insidente.
Kamakailan ay nagkaroon ng pag-uusap sina PNP Chief Dionardo Carlos at Chinese Ambassador Huang Xilian para mapaigting ang pagsugpo sa grupo ng mga Chinese na nakikipagsabwatan sa Filipino crime groups sa operasyon ng kidnapping-for-ransom ng mga Chinese na nagtatrabaho sa online casino sa bansa.
Bukod dito, nagdaos din ng pagpupulong ang mga local law enforcer at Chinese law enforcement officials para talakayin kung paano tutugisin ang mga ilegal na POGO, telecom fraud, drug-related crimes at kidnapping ng mga Tsino. (JESSE KABEL/LILY REYES)
383
