Daulah Islamiya-Maute group target ng militar KUTA NG MGA TERORISTA SA LANAO, BINOMBA

KINUMPIRMA ni Lt. Gen. Alfredo Rosario Jr., pinuno ng AFP Western Mindanao Command, na naglunsad sila ng isang major military operation sa Barangay Ilalag, bayan ng Maguing sa Lanao del Sur.

Ayon sa inisyal na ulat, matapos ang isinagawang air strike ng dalawang Philippine Air Force assets, sinalakay ng ground forces mula sa apat na infantry battalion, ang liblib na bahagi ng nasabing area kahapon ng madaling araw.

Base sa inisyal na ulat, may 2 kasapi ng Daulah Islamiya-Maute Group ang napaslang habang isang sundalo ang napatay at apat ang sugatan sa nagpapatuloy pang sagupaan.

Ayon kay PAF Spokesman Lt. Col. Maynard Mariano, sinuportahan ng kanilang bagong biling Embraer A-29B “Super Tucano” attack aircraft at FA 50 Fighter Plane ang inilunsad na focused military operation bandang alas-2:00 ng madaling araw.

Sa pahayag naman ni Maj. Andrew Linao, spokesman AFP Western Mindanao Command, sumalakay muna ang apat na combat unit saka sinuportahan ng air force. “Nag-support ‘yung air assets natin, two air assets, classification ng air asset… then naglaglag ng sampung bomba, and then follow-up, after dun sa sampu, follow-up na dalawa, so all in all nasa 12 ‘yung bomb run na na-execute, so ngayon habulan na ito sir, syempre nagtakbuhan na ‘yung kalaban”.

Hanggang kahapon ay nagpapatuloy pa rin ang habulan at panaka-nakang palitan ng putok sa pagitan ng military at 50 DI-Maute group na sinasabing pinamumunuan ng isang Abu Zacharia.

Nilinaw rin ng Philippine Army 1st Infantry Division na malayo sa mga komunidad ang pambobomba at nagaganap na habulan kaya walang iniulat na civilian casualties. (JESSE KABEL)

215

Related posts

Leave a Comment