NASASANGKOT sa panibagong kaso si Lopez, Quezon Councilor Arkie Yulde dahil sa paglabag umano nito sa ilang probisyong nakasaad sa Republic Act 11469, o mas kilala bilang “Bayanihan to Heal As One Act”.
Ito’y matapos maghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman si Isaias Bitoin Ubana II, at inilahad ang mga pagkakataon na nilagay umano ni Yulde sa delikadong sitwasyon ang mamamayan ng Quezon sa gitna ng pagkalat ng COVID-19 noong Mayo, 2020.
Panimula ng nagrereklamo, nag-post si Yulde ng isang flowchart at tinawag itong “guidelines on the implementation of community quarantine” sa kanyang Facebook page.
Batay sa reklamo, hindi ito ang opisyal na guidelines mula sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na siyang tanging gumagawa ng pag-aaral at mga rekomendasyon ng pamahalaan patungkol sa COVID-19. Dagdag pa nito, tadtad ng technical errors at maling impormasyon ang nasabing flowchart dahil hindi naman miyembro si Yulde ng IATF sa nasabing lugar, at dahil sa maling impormasyon, nagresulta ito sa pagkalito ng mga residente.
Sa pangalawang pagkakataon, muling nilabag ni Yulde ang batas kung saan hindi ito dumaan sa tamang proseso sa pagsasagawa ng relief goods distribution. Ayon sa batas, hindi pinapayagan ang pagsasagawa ng anomang relief goods distribution nang walang kaukulang permit at koordinasyon, ito ay para masiguro na ligtas itong pinatutupad batay sa mandatory health protocols na inilatag ng IATF.
Sa relief goods operations sa iba’t ibang barangay ng Lopez, makikita sa ilang larawang inilabas sa Facebook page ng konsehal, na wala itong suot na facemask—na isa ring paglabag sa RA 11469 at sa Municipal Ordinance 2020-04 (annex ‘n’) na siyang binuo ng Sangguniang Bayan ng Lopez, kung saan miyembro ang nasabing konsehal. Dahil sa garapalang hindi pagsunod sa batas, inakusahan ang konsehal na makailang beses nilagay sa panganib ng COVID-19 ang mamamayan ng Lopez.
Si Yulde ay tumatakbo ngayon bilang alkalde ng bayan ng Lopez sa ilalim ng Lakas-CMD na pinamumunuan ni Gov. Danilo Suarez bilang co-chair ng partido. (SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
289
