INOSENTENG BIKTIMA, INOSENTENG SUSPEK?

boc

MAKALIPAS ang halos tatlong buwan, nananatiling pala­isipan ang motibo sa likod ng serye ng pamamaslang sa hanay ng mga opisyal at empleyado ng Bureau of Customs (BOC).

Giit ng mga nakaantabay na miron sa ahensyang kilala sa katiwalian, magkakaugnay ang mga nasabing insidenteng kinasasangkutan ng mga diumano’y sangkot sa korapsyon. Anila, target likidahin ang mga taong masyado nang maraming alam sa bulok na kalakaran sa nasabing kawanihan.

Kung tutuusin, angkop lang naman ang linisin ang BOC, maging iba pang ahensya ng pamahalaan. Subalit tila kalabisan naman kung pati mga inosente idamay sa patayang nakabase sa isang talaang naglalaman ng 14 na pangalang sangkot diumano sa katiwalian.

Hindi ko kailanman nais mamayani ang karahasan,  bagkus mas angkop para sa akin na isakdal na lamang sa husgado ang mga sangkot sa katiwalian. Hindi din pabora­bleng mabura sa mundo ang marami nang alam dahil pwede naman silang tumayong testigo sa mga tiwaling naglalakihan – higit na malaki kumpara sa kategoryang kanilang kinabibilangan.

Pero teka, parang wala naman sa talaan ng 14 na opis­yal at empleyadong inirekomendang kasuhan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang pinakahuling biktimang si Gil Manlapaz.

Sa aking sapantaha, sadyang inililigaw ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya, National Bureau of Investigation (NBI), senado at kamara, sa hangaring pagtakpan
ang tunay na may sala.

Gayundin ang problema sa isang taong dinakip at pinagbintangang salarin sa mga pananambang. Fall guy ayon pa sa pamilya ng suspek na bugbog sarado nang
iprisinta sa media.

Ang tanong – kanino napunta ang P300,000 gantimpalang pinag-ambagan pa naman ng mga empleyado ng kawanihan sa hangaring matunton, madakip at mapanagot ang tunay na gunman.

190

Related posts

Leave a Comment