MANLALARO, ‘DI TAGAPALAKPAK

NAKABIBINGI raw ang sigaw ng Pinoy fans sa Araneta Coliseum sa laro ng Gilas Pilipinas kontra New Zealand sa 2023 FIBA Asia World Cup qualifiers.
Alam na natin ang resulta ng nasabing laro, panalo ang Kiwis, 88-63.

Ano ang isinigaw ng fans? Ibalik si Tab Baldwin bilang head coach ng Gilas Pilipinas.

Pero, hanggang doon lang iyon. Hindi naman pakikinggan ng pamunuan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang gusto ng fans.
Hindi rin daw apektado si coach Chot Reyes.

Sa halip, mas nais niyang magpokus sa susunod na kompetisyong lalahukan ng national team, na siya namang dapat gawin.
Dapat niya ihandang mabuti ang koponan para sa susunod na qualifying window sa Hunyo.

Humingi na rin ng tulong si Reyes sa PBA para ipahiram ang may 30 manlalaro nito sa pool. Doon manggagaling ang pinal na bubuo sa national team, na unang isasabak sa SEA Games, ‘yung next window (June) at FIBA Asia Cup sa Indonesia sa Hulyo at maging sa Asian Games sa China sa Setyembre.

Ito bale ang magiging preparasyon ng Gilas bago ang hosting ng Pilipinas ng World Cup.

Paano pipiliin ang 30-man pool? Pati ang final 12-man lineup? ‘Yan ang ating aabangan at umasang ‘yung mga karapat-dapat ang mapili at ‘yung mga mapipili, sana naman gamitin sa laro at hindi magiging taga-palakpak lang.

***

IIWANAN ni Jerwin Ancajas ang 115-lb division para umakyat sa 118 pounds. Mabuti naman. Tamang desisyon. Kaysa ipilit ang hindi na kayang timbang.
Tama lang ang gagawin ni Ancajas, tutal ayaw na rin siyang labanan ni Kazuto Ioka, ang kampeon ng WBO.

Dapat sana’y nagkaharap ang dalawa noong ­Enero 1 sa Japan, pero, isang linggo bago ang laban, kinansela iyon sanhi ng pandemya at muling itinakda sana sa Abril.
Ang balita, ayaw lumaban ni Ioka kung hindi champion ang kasagupa.

Kung sa 118-lb division kakampanya si Ancajas, magka-timbang na sila ni WBO champion John Riel Casimero at maging ni WBC champion Nonito Donaire. Gayundin ni Naoya Inoue, kampeon naman ng WBA/IBF.

Labu-labo na sila sa bantamweight division, isama na rin natin si Jonas Sultan, na nabigyan ng pangalawang pagkakataon sa kanyang boxing career.
Abangan natin kung anong plano ng PBC (Premier Boxing Champions) kay Ancajas.

***

SA fans ng Los Angeles Lakers, aasa pa ba tayong makakaahon ang team sa ongoing season? Mapapailing ka na lang sa tuwing pinapanood mong bumibigay sa bandang dulo.
May problema talaga e.

Habang ang ibang team, milya-milya ang laro sa Lakers (standings). Petik-petik na nga lang lumaro dahil nakaseguro nang swak sa susunod na round.

Ang Lakers? See them next season na ba?

180

Related posts

Leave a Comment