SANG-AYON ang ACT CIS Partylist na rebyuhin na ng Kongreso ang Oil Deregulation Law matapos hingin ni Pangulong Rodrigo Duterte na pag-aralan muli ang nasabing batas sa gitna ng patuloy na pagsirit ng presyo ng petrolyo.
Ang Oil Deregulation Law na ipinatupad noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos, ay nagtatanggal sa kontrol ng gobyerno pagdating sa presyuhan ng petrolyo ng mga kumpanya ng langis.
Ayon kay ACT CIS Nominee Edvic Yap, “panahon na siguro na muling pag-aralan natin kung nakakatulong pa ba ang batas na ito sa tao o pabigat na sa kanila”.
“Dati-rati kasi pwede diktahan ng gobyerno ang mga oil companies na wag munang magtaas ng presyo para na rin sa kapakanan ng taong bayan,” ani Yap.
Dagdag pa niya, ngayon ay walang magawa ang gobyerno kapag sinabi ng mga kumpanya ng langis na magtataas sila ng presyo.
“Parang hindi maka-motorista ang batas na ito na kailangan na sigurong pag-aralan kung ibasura at palitan na,” ayon kay Yap.
218
