TIMBOG ang dalawa katao na tirador ng mga convenience store, makaraang sitahin ng mga awtoridad dahil sa hindi pagsusuot ng facemask sa Binangonan, Rizal.
Kinilala ni Rizal Provincial Police Director, Col. Dominic Baccay ang mga suspek na sina Moneth Aguado Landicho at Marlo Jun Laureno.
Ayon sa ulat, nakasalubong ng dalawang pulis noong Martes si Landicho na walang suot na facemask habang naglalakad sa kahabaan ng Barrio Road, Barangay Tayuman dakong alas-7:00 ng gabi.
Ngunit biglang tumakbo si Landicho habang sinalubong naman ito ni Laureno para saklolohan.
Hinabol ang mga ito ng mga pulis at nang makorner ay tiningnan ang mga bag ng mga suspek na natuklasang may lamang cal.38 revolver at may kasamang papel na may nakasulat na “Bigay ninyo ang pera, walang sisigaw kung ayaw mamatay, automatic may mangyayari”.
Bunsod nito, inaresto ng mga pulis ang mga suspek at sa imbestigasyon ay nabatid na ang mga ito ay tirador ng mga convenience store sa Binangonan at sa karatig bayan. (CYRILL QUILO)
511
