Sinakop ng vendors KALSADA SA CALOOCAN TAKAW-DISGRASYA

TAKAW-DISGRASYA ang Gen. Rosendo Simon St. malapit sa Bonifacio Monument Circle at tinutumbok ang EDSA sa Caloocan City dahil sinakop na ng mga nagtitinda ang halos kalahati nito ngunit walang sumisita sa hindi nabatid na dahilan.

Sa nasabing kalye lumalabas ang mga Malanday Metrolink bus na biyaheng Balagtas, at kapag rush hour ay halos masagasaan na ng mga bus ang nakapilang mga pasahero dahil wala na silang mapaglagyan dahil tila inari na ng mga vendor ang kalsada.

Bukod sa mga bus, sa dami ng mga tao sa nasabing kalye lalo na nang isailalim ang Metro Manila sa Alert Level 1, ay tila alaala na lamang ng madilim na nakalipas ang physical distancing at animo wala na ang pumapatay pa ring COVID-19.

Kabilang sa mga delikado rin sa nasabing kalye ang mga walang muwang na pedestrian at pasahero na sa pagsakay ng bus ay matutuklasang wala na pala pamasahe dahil nakuha na ang kanyang pitaka ng mandurukot.

May mga pagkakataon ding bigla na lamang may babaeng hihiyaw dahil may mga manyakis na animo makikipag-agawan ng rebound at bina-boxout ng mga nakausling siko ang dibdib ng nakapilang mga kababaihan.

Isa pa sa lalong nakapagpapasikip at nakapagpapagulo sa nasabing lugar ay ang mismong nagpapapila sa mga pasahero na sa hindi malamang dahilan ay may pinapayagang sumingit at kung minsan ay nagpapapila sa kanyang kaliwa, gayong 200 metro na ang pila sa kanyang kanan.

Bukod sa “lutang” na nagpapapila, naroon din ang mga bus driver at konduktor na ang ilan ay hindi na nagsusuot ng mask, at ang kanilang tila kasabwat na nagbebenta ng mani at tubig ay nagpapaulan ng laway sa mga pasahero ng bus.

Ayon sa pamahalaan bawal uminom, kumain at makipag-usap sa loob ng mga pampublikong sasakyan sa ilalim ng Alert Level 1.  Kung paano ito maipatutupad, iyon ang tila nakaligtaan. (ALAIN AJERO)

390

Related posts

Leave a Comment