NEGROS OCCIDENTAL – Umabot sa limang kilo ng umano’y shabu ang nasamsam ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ikinasang joint anti-narcotics operation sa Escalante City sa lalawigang ito.
Ayon sa ulat na isinumite kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, naglatag ng buy-bust operation ng mga tauhan ng PDEA 6 – NOCPO, PDEA SIU-NOCPO, PDEA 7, Escalante City Police Station, PCG-Escalante, Police Drug Enforcement Unit at Regional Drug Enforcement Unit.
Nagresulta ito sa pagkakadakip sa isang high value drug personality na pakay ng anti-drug operation na kinilalang si Vicente Sepuesca y Intreliso nang bentahan ng isang kilong shabu ang umaktong na poseur buyer sa may Brgy. Old Poblacion, Escalante City
Nakumpiska ng mga awtoridad sa suspek ang malaking pakete ng shabu (buy-bust item) at apat pang malalaking pakete ng ilegal na droga na umabot sa kabuuan sa limang kilo.
Kasalukuyang nakadetine ang suspek sa PDEA Negros Occidental detention facility habang inihahanda ang kaukulang kasong kahaharapin nito. (JESSE KABEL)
796 