SINALUDUHAN ng liderato ng Kamara ang mga babaeng medical frontliner sa pagtataya sa kanilang kaligtasan sa nakaraang dalawang taong pandemya sa COVID-19.
Ayon kay House Speaker Lord Allan Velasco, hindi matatawaran ang papel ng kababaihan sa panahon ng pandemya kaya binigyan niya ang mga ito ng pagkilala kasabay ng selebrasyon ng Women’s day kahapon, Marso 8.
“Filipino women have been at the frontlines in the response to COVID-19. Women-dominated occupations, such as health professionals, have played an enormous role in efforts to flatten the curve of infection and position the country for economic recovery,” ani Velasco.
Bukod aniya sa napakahalagang papel na ginampanan ng mga babaeng medical frontliners, hindi rin matatawaran ang kontribusyon ng mga ito sa lahat ng larangan tulad ng ekonomiya.
Maging sa pulitika at paggawa ng mga batas na napakikinabangan ng lahat ng mga Pilipino ay malaki ang naging ambag ng kababaihan kaya nararapat na bigyan aniya ang mga ito ng pagkilala.
Ipinagmalaki rin ni Velasco na isa ang Pilipinas sa mga bansa sa mundo na nagsusulong ng gender-equality at ang bunga nito ay napakikinabangan na ng sambayanang Pilipino dahil sa hindi matatawarang kontribusyon ng kababaihan sa paghubog ng lipunan. (BERNARD TAGUINOD)
