HINDI ikinatuwa ng Bureau of Customs Employees Association (BOCEA) ang kastigong inilapat ng kawanihan sa isang empleyadong buntis dahil hindi suot ang takdang uniporme para sa mga kababaihan.
Ang totoo, angkop lang naman ang isang mahigpit na patakaran sa alin mang tanggapan ng pamahalaan.
Subalit may mga pagkakataong dapat din naman maunawaan, bagay na arok lamang ng mga taong may sentido kumon (common sense).
Ito mismo ang giit ng BOCEA sa kaso ni Gng. Darlence Aranas na inisyuhan ng Show Cause Order (SCO) at Subpoena ng tanggapan ni Donato San Juan na tumatayong Deputy Commissioner for Internal Administration Group (IAG) nito lamang Disyembre ng nakaraang taon. Giit ng kalatas ni San Juan, salto ang hindi pagsusuot ng uniporme ni Gng. Aranas.
Bilang tugon sa paghingi ng saklolo ni Gng. Aranas, agad namang bumalangkas at nagsumite ng isang liham ang BOCEA kay deputy commissioner San Juan. Hiling ni BOCEA president Rommel Francisco, ibasura ang SCO at subpoena laban kay Gng. Aranas.
Sa isang banda, may katwiran si Francisco sa kanyang giit. Dangan naman kasi, buntis si Gng. Aranas at lubhang makasasama sa kanyang dinadala ang maipit kung ipipilit isuot ang unipormeng masikip.
Sa puntong ito, tila kinapos ng sentido kumon ang ilang opisyal ng dambuhalang kawanihan. Nakaligtaang rebisahin ang mga probisyon sa ilalim ng memorandum circular 19 (series of 2020) at Resolution 002515 ng Civil Service Commission.
Malinaw ang sinasabi ng dalawang kalatas ng CSC – pwedeng magsuot ng maternity dress ang mga buntis na empleyado ng gobyerno hanggang sa makapagluwal ng sanggol sa kanyang sinapupunan.
Sa puntong ito, higit na angkop na ibasura at tanggalin sa 201 file (government employee record) ni Gng. Aranas ang SCO at subpoena na nagsisilbing batik sa kanyang serbisyo sa gobyerno.
Hay naku… dangan naman kasi naniniwala sa sabi-sabi! Ang resulta, nagkabaligtaran na. Ang nasa alanganin – si deputy commissioner San Juan na! Next time, basa-basa rin sa mga kalakip na reglamento sa hanay ng taong gobyerno.
Hindi tsapa ang pwesto sa gobyerno para magpairal ng sariling reglamento.
219 