BANTA NG LINDOL

SA muling pagyanig ng isang malakas na lindol sa Luzon, muling nabuhay ang agam-­agam sa kahandaan ng pamahalaan sa bantang dala ng kinatatakutang paggalaw ng West Valley Fault na bumabagtas sa mga lalawigan ng Rizal, Bulacan, Cavite, Laguna at Metro Manila.

Ang totoo, sadyang nakakikilabot ang tagpong kahihinatnan base sa mga teorya ng mga eksperto. Anila, bukod sa malawakang pinsala sa mga imprastraktura, pinangangambahan din ang pagpanaw ng hindi bababa sa 55,000 katao.

Ayon sa mga dalubhasa, halos tiyak at nalalapit na ang paggalaw ng mga bitak sa lupa kung ang pagbabatayan ay ang pag-aaral na isinagawa ng Japan International Cooperation Agency (JICA).

Sa pagsasaliksik ng JICA, lumalabas na ang West Valley Fault System ay gumagalaw kada 350 taon at sa bawat paggalaw nito ay nagdudulot ng mga malakas na pagyanig – sukdulang lakas na aabot sa magnitude 7.2 lindol.

Base sa datos ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, ang pinakahuling lindol na dulot ng pag-uga ng West Valley Fault, naganap 356 taon na ang nakalilipas. Sa madaling salita, labis pa ng anim na taon ang palugit para makapaghanda. Nakapaghanda ba?

Oo naman, nakapaghanda pero hindi para sa nagbabadyang peligro ng “The Big One” kundi sa nalalapit na halalan.

Ano nga ba ang gagawin ng pamahalaan sa napipintong pagkawasak ng 40% ng mga kabahayan at 35% ng mga nakatayong pangkalahatang pasilidad tulad ng mga paaralan, ospital, simbahan, mga tanggapan ng pamahalaan sa loob ng 1,100 ektaryang sakop ng West Valley Fault System?

May contingency measures na ba sakaling bumagsak ang mga imprastraktura tulad ng mga tulay, kalsada at iba pa? Saan kukuha ng suplay ng kuryente at tubig? May alternatibo na bang pansalit sakaling maputol ang mga linya ng komunikasyon?

Ang sagot – wala.

Sa madaling salita, higit pa sa kinasasadlakang dusa ng mamamayan ang posibleng kahinatnan ng hindi bababa sa 16 milyong katao sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.

Sa puntong ito, hindi na marahil tugmang hanapin ang kahandaan dahil wala naman talagang konkretong paghahanda ang pamahalaang puro lang din naman dada.

Ang tanong – kaya pa ba?

303

Related posts

Leave a Comment