HINAMON ni Senate Minority Leader Franklin Drilon si bagong talagang Comelec Commissioner Aimee Torrefranca-Neri na mag-resign na lamang sa halip na humarap sa matinding pagbusisi ng Commission on Appointments.
Sinabi ni Drilon na mas mabuting iligtas na ng komisyoner ang kanyang sarili sa kahihiyan sa pagharap sa CA.
Ito ay bunsod ng alegasyon sa bagong talagang opisyal ng poll body na tumanggap ito ng P10 milyon mula sa isang convicted criminal noong ito ay nasa Department of Justice pa.
Naniniwala si Drilon na kung magmamatigas sa posisyon si Torrefranca-Neri ay posibleng maapektuhan din ang integridad ng 2022 National and Local elections.
“The allegations against Commissioner Neri could affect the integrity of the Comelec. Her appointment has created a distraction that can jeopardize the Comelec’s constitutional duty to conduct a fair, credible and honest 2022 election,” saad ni Drilon.
Binigyang-diin ng senador na kahit sino pa ang backer ng opisyal ay hindi nito maiimpluwensyahan ang mga miyembro ng Commission on Appointments na bumubusisi sa kwalipikasyon ng mga itinatalaga ng Presidente.
“I am telling Atty. Neri that whoever your MBA or May Backer Ako is, he cannot influence the CA to set aside these allegations and confirm your appointment. The Commission on Appointment takes this matter seriously,” diin ni Drilon.
“Ang job vacancy sa Comelec ay commissioner. Klaruhin po natin na hindi po iyon tagakolekta ng komisyon,” giit pa nito.
Tiyak ang senador na tatanungin ng CA si Atty. Ferdinand Topacio sa kanyang alegasyon na nagbigay ng P10 milyon ang kliyente nitong si Herbert Colangco sa kumisyuner upang ayusin ang kanyang kasong robbery.
Sa pahayag ni Topacio, nang ma-convict si Colangco noong 2018, ibinalik ni Torrefranca-Neri ang P7 milyon subalit itinabi ang P3 milyon. (DANG SAMSON-GARCIA)
227
