BUO ang pag-asa ni Pinoy Olympics gold medalist Hidilyn Diaz na masusundan pa ang kanyang tagumpay sa quadrennial meet.
Nagreyna ang weightlifter na si Diaz sa women’s 55 kilogram event sa nakaraang Tokyo Games at naging kauna-unahang Pilipino na nanalo ng gintong medalya sa loob ng 97 taong partisipasyon ng bansa sa Olympics.
“Naniniwala ako na mas marami pang Pilipino ang mananalo sa Olympics at makakakuha ng ginto. Laban atletang Pilipino! Laban Pilipinas!” Pahayag ng 2021 Athlete of the Year ng San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Annual Awards Night nitong Lunes.
Sa kanyang ‘thank you’ speech ay binalikan ng 31-year-old weightlifter ang kanyang mga pinagdaanan bago nakamit ang pinapangarap ng lahat ng mga atleta na Olympics gold.
“Sabi nila dati, ang taas kong mangarap. ‘Bakit hindi?’ Isa kaya sa pinakamagandang bagay at libreng gawin ay ang mangarap. Kaya ikaw, tayong lahat, patuloy lang na mangarap.”
Ayon pa kay Diaz: “Hindi pwedeng walang pagsubok kasi yun ang magpapatibay sa atin. Okay lang ilang beses magkamali, ilang beses na matalo, ang mahalaga natututo tayo at bumabangon. Kayang-kaya natin ito.” (ANN ENCARNACION)
277 