IMBESTIGAHAN NATIN
Ni JOEL O. AMONGO
MAYROON yata talagang taong sa kabila ng kariwasaang tinatamasa, hinahangad pa ang hindi sa kanila. Ito ang kwento ng ilang utak-sindikato sa gobyerno, partikular sa Department of Budget and Management at sa isang kalapit na tanggapan sa loob mismo ng Palasyo.
Isang lehitimong pabuya para sa buwis-buhay na impormanteng susi sa likod ng oil smuggling fiasco ang nakatengga sa bangko — hindi makuha, hindi pwedeng i-withdraw. Taong 1997 nang mabulilyaso ng gobyerno ang isang malaking sindikato sa likod ng fuel smuggling. Ang tagumpay ng nasabing operasyon, nagbigay daan para makakolekta ng tumataginting na P4 bilyong buwis ang gobyerno.
Ayon kay Felicito Mejorado, 25 taon na niyang iniinda ang peligrong kalakip ng peligrosong misyon laban sa malaking sindikato. Ang siste, ang pabuyang bente porsiyento, hanggang ngayon abot-kamay pero malayo pang magkatotoo.
Sang-ayon sa ating kasangga sa Palasyo, aprubado na mismo ng Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang giit na pabuya. Katunayan, mismong ang Bureau of Treasury ang kumumpirma na may nakalagak nang P272 milyon sa Philippine National Bank (PNB) katumbas ng 2nd tranche ng pabuyang sadyang laan para sa kanya.
Ang problema, hindi mabitawan ng PNP ang pera ni Mejorado. Katwiran ng PNP, kailangan pa raw ng Notice of Cash Allotment na magmumula sa DBM.
Sa pag-iimbestiga ng inyong lingkod, napag-alamang tali ang kamay ng DBM. Dangan naman kasi may bilin umano ang isang mataas na opisyal na itinalaga ng Pangulo sa Palasyo. Ang atas – huwag ilabas ang Notice of Cash Allotment kay Mejorado.
Bigla akong napa-isip – pera ba ng DBM o ng nananabotaheng opisyal sa Palasyo ang iginigiit na pabuya ni Mejorado? Bakit ayaw niyong ibigay ang pondong sadya namang nakalaan sa impormante ng gobyerno? Buhay niya at hindi buhay niyo ang nalagay sa peligro sa operasyon laban sa pinakamalaking fuel smuggler syndicate. Wala rin marahil matagumpay na operasyon kontra smuggling kung walang maglalakas loob na impormante.
Bagama’t aprubado na ng Pangulo ang pagre-release ng naturang salapi kay Mejorado, muli siyang nanawagan at nakiusap – utang na loob, aniya. Huwag niyo nang ipitin ang pondo.
Sa isang banda, may katwiran namang ipitin ang pabuya ni Mejorado. Patapos na kasi ang kanilang terminong hudyat ng pagbaba sa pwesto. Kailangan nila siguro ang mahilab-hilab na pabaong nakagawian ng mga papaalis na sa gobyerno.
Hay naku, pakapalan ng mukha talaga ang uso sa gobyerno!
221 