KUNG pagbabatayan ang kasaysayan ng nakaraang mga digmaan, may sapat na dahilan para mabahala ang sangkatauhan lalo pa’t halos pareho lang ang estilong ginagamit ng mga gahamang nais palawigin ang kanilang kapangyarihan.
Ang pananakop ng bansang Russia sa Ukraine nitong nakaraang buwan, minsan nang nasilayan sa ikalawang pandaigdigang digmaan. Ultimo taktika, kopyang-kopya.
Sino nga ba ang hindi nakakikilala kay Adolf Hitler? Batay sa kasaysayan, hindi kagyat ang pananakop ng Germany sa karatig bansang Poland na kanila munang pinostehan sa nakapalibot na karagatan. Sa hudyat ni Hitler, sinakop ang Poland sa dakong Europa habang ang kaalyado naman nitong mga Hapon, sinalakay ang Asya.
Hindi nga ba’t ganoon din ang ginawa ng Russia bago sinalakay ang bansang Ukraine? Pinalibutan muna ng mga barkong Russo ang karagatan sa gawing Ukraine. Lingid sa kaalamanng kampanteng Ukraine, sila pala ay nakatakda nang salakayin ng tropang Russo sa kumpas ni Vladimir Putin.
Malayo man sa atin ang umaatikabong digmaan, ang epekto sa ating kabuhayan – aysus, ramdam na ramdam.
Ang totoo, higit pa sa dagok sa ating ekonomiya ang dapat nating ipag-alala. Bakit kamo? Kasi naman nagkalat sa karagatan sa gawing kanluran ng ating bansa ang mga sasakyang dagat ng bansang Tsina. Ang masaklap, ultimo mga islang sakop ng ating teritoryo, ginawang base militar ng mga Tsino.
Tugon ng Palasyo? Nganga! Kasi naman nakabaon daw tayo sa utang na loob sa mga Tsino, ayon mismo sa Pangulo.
Gayunpaman, makailang ulit nang pinawi ng Pangulo ang pangamba ng mga Pilipino. Aniya, kaibigan natin ang Tsina kaya naman kumbinsido siyang hindi sasakupin ang ating bansa. Pero ‘wag ka, tingin sa atin ng mga Tsekwa, probinsya lang ng Tsina.
Hindi rin aniya angkop na tayo’y makidigma dahil wala naman aniya tayong sapat na kakayahang makipagsabayan sa kanilang armada.
Sa isang banda, may punto ang Pangulong best friend nga pala ng mga mapagsamantalang Tsino.
Sa paulit-ulit na tinuran ng ating pinunong iniluklok sa pwesto, kanino pa tayo tatakbo? Sa Estados Unidos ba o sa United Nations ba na kontrolado ng mga Kano?
Ang sagot – wala! Pareho-pareho lang naman silang mga gahaman sa kapangyarihan at sa yamang puntirya sa ating karagatan.
