HABANG papalapit ang halalan, maraming gustong lumapit kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang ilang presidential candidates ay nagpahayag daw nang kagustuhan na makausap ito.
Ayon kay Cabinet Secretary Melvin Matibag, karamihan sa mga tumatakbong presidente ng bansa ay hinihingi ang endorsement ng PDP-Laban.
Kung hindi ako nagkakamali, binanggit niya na kasama raw si Sen. Manny Pacquiao.
Siyempre, kasama na rin diyan si Manila Mayor Isko Moreno.
Kung may pakikiusap, mas maigi naman daw na mag-usap.
Sa tingin ko, malabong makipag-usap si Pacman kung dadaan pa siya sa paksiyon ni Matibag.
Ito kasi ang nakabangga ng kampo ng Pambansang Kamao, maliban lamang kung nagkaayos na sila.
Hindi man dinala ni Pacman sa kanyang pagtakbo ang PDP-Laban dahil tila may iringan nga sila, hindi malayong nandiyan pa rin daw ang hidwaan nila.
Magdedesisyon naman daw ang PDP-Laban faction kung sino ang susuportahan sa pagsisimula ng kampanyang lokal sa Marso 25.
Sa ngayon, nananatiling neutral ang Pangulong Duterte.
Samantala, kinuwestiyon ni presidential candidate Pacquiao ang pagbibigay ng P200 ayuda kada buwan ng pamahalaan imbes na isuspinde ang excise tax sa langis.
Pahirap daw ito sa tao.
Paano nga naman daw makaka-survive ang pamilya sa halagang P200 sa isang buwan?
Kung tutuusin nga naman, parang pambili lang ito ng kendi o baka kulang pa.
Kung matatandaan, inaprubahan na ni Pres. Duterte ang rekomendasyon ng Department of Finance na magbigay ng P200 monthly allowance para sa mga mahihirap na pamilya sa isang buong taon.
Sa pamamagitan nito, naniniwala ang Pangulo na mapapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Nawa’y mangyari nga ito.
Pero tutol ang ilang sektor.
Medyo mahirap din itong gawin dahil baka ang mga benepisyaryo ng 4Ps ay makinabang din kahit na mayroon na silang regular na ayuda mula sa gobyerno.
Mahalagang salain itong mabuti ng pamahalaan.

173