PAGBIBIGAY NG 2ND BOOSTER SHOT IKAKASA SA ABRIL

MAAARING simulan ng Department of Health (DoH) ang pagbibigay ng fourth dose o second booster shot para sa mga vulnerable sector sa huling linggo ng Abril.

Sa Laging Handa public briefing, inihayag ni DOH Usec. Myrna Cabotaje, na nag-aplay na sila ng amendments sa Emergency Use Authorization o EUA para sa mga piling bakuna na puwedeng ibigay na second booster.

Bukod dito, hinahanda na ani Cabotaje ang mga guidelines na ipatutupad ukol dito kasabay ng patuloy nilang pakikipag-usap sa mga eksperto.

Tuloy-tuloy rin aniya ang mga isinasagawa nilang hakbang para irekomenda ang fourth dose sa mga tinatawag na high risk at vulnerable groups gaya ng mga nasa A1 category, healthcare workers, mga senior citizen at immunocompromised individuals.

Sinabi pa ni Cabotaje, kaagad nilang uumpisahan ang pagbibigay ng 2nd booster sakaling maaprubahan na ang EUA at ang guidelines ukol dito.

Samantala, handa namang maglaan ng pondo ang private sector para sa pagbili ng karagdagang bakuna na gagamitin upang mapataas ang bilang ng mga mabibigyan ng booster shot.
Para kay Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, mas mahalaga na mapataas ang bilang ng mga mabibigyan ng booster shots kumpara sa gagawing pagtatanggal umano ng Alert Level status.

Ani Concepcion, nakahanda ang private sector na maglaan ng pondo para sa pagbili ng mga karagdagang COVID-19 vaccine na maaaring gamitin bilang booster dose. (CHRISTIAN DALE)

134

Related posts

Leave a Comment