KAILANGANG masiguro na ang mga gagamiting vote counting machine ay gumagana at walang aberya bago ang takdang halalan.
Ayon sa Comelec, walang magaganap na eleksyon kung hindi maisasagawa ang final testing and sealing sa mga gagamiting vote counting machine sa halalan.
Isasapubliko ang nasabing aktibidad sa pamamagitan ng live streaming, ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez.
Gusto aniyang ipakita ng Comelec sa publiko na walang magiging problema sa mga VCM at iniimbitahan ng ahensya ang publiko masaksihan ito gaya ng mga election watchdog, stakeholders at mga accredited citizens arm.
Sinabi rin ng tagapagsalita na sisikapin ng ahensiya na i-live stream ang gagawing testing at sealing upang masaksihan ng mas maraming Pilipino, saanman sa mundo.
Samantala, magsasagawa rin ang Comelec ng “opening of books” ng mga listahan ng mga botante sa bawat presinto mula Abril 18 hanggang 29 bilang paghahanda sa halalan sa Mayo 9.
Ani Commissioner George Garcia, ang mga libro ang gagamitin sa voting precincts at ang listahan ay iyong ikinakabit sa labas ng bawat presinto para malaman ng mga botante kung saan sila nakatalaga para bumoto.
Ang naturang hakbang ay kasunod ng mga alalahanin na maaari pa ring makaboto ang mga namatay nang botante na posibleng hindi pa rin natatanggal sa voter’s list. (RENE CRISOSTOMO)
