MSMEs PINAGHAHANDA SA COVID-19 SURGE

covid

KAILANGANG mapaghandaan at mapalakas ang Medium, Small and Micro Enterprises (MSMEs) sa gitna ng posibilidad na magkaroon ng surge sa 2nd half ng 2022 bunsod ng mababang vaccination rollout ng booster shot.

Ito ang binigyang diin ni Presidential Adviser on Entrepreneurship Joey Concepcion sakali’t magkaroon ng surge at magpatupad na naman ng lockdown.
Aniya, walang duda na masisira ang momentum ng maliliit na negosyante.

Sinabi pa ni Concepcion na hindi lang magiging malala ang ekonomiya dahil sa posibilidad ng COVID surge dahil nandiyan pa rin aniya ang gulo sa pagitan ng Ukraine at Russia na nagpapataas sa presyo ng langis.

“At saka itong problema natin sa pagtaas ng presyo ng langis, lahat iyan ay mas lalong gagrabe iyong ekonomiya natin kung isama pa natin iyong mga potential lockdowns dahil dumating ang isang surge. So, iyan ang ina-appeal ko sa mga citizens natin na importante ay kunin talaga iyong at least the third shots which is the first booster,” dagdag na pahayag nito.

Dahil dito, umapela si Concepcion publiko na magpa-booster shot na para makamit ang tinatawag na wall of immunity.

Naniniwala rin si Concepcion na delikadong ibasura ang COVID-19 alert level system ngayong Abril bunsod ng mababang rate ng booster vaccination.

“Hindi katulad ng primary doses dito sa NCR, halos 100%. Pero yung boosters natin nasa 30%. Sa ibang lugar, tulad ng Region 5 and Region 12, halos below 10%. Delikado pong buksan natin at tanggalin ang alert level natin hanggang maayos ito,” ayon kay Concepcion.

Nauna rito, suportado ni Concepcion ang mas pagpapagaan sa restriksyon sa NCR at iba pang lugar, kailangan lamang na magpapatuloy ang pagbibigay at pagtuturok ng bakuna lalo na ng booster doses. (CHRISTIAN DALE)

123

Related posts

Leave a Comment