QUEZON – Isang motorcycle rider ang patay at isa ang sugatan nang araruhin ng isang van ang dalawang nagsalpukang motorsiklo sa provincial road sa Barangay Santol, sa bayan ng Mauban sa lalawigang ito, noong Lunes ng madaling araw.
Nalagutan ng hininga habang isinusugod sa ospital ang biktimang si Jeffrey Uller, 21, laborer at residente ng Barangay Ibabang Dupay, Lucena City.
Ayon sa report ng Mauban Police, binangga ang motorsiklo ni Uller ng motorsiklong minamaneho ng umano’y nakainom na si Mark Anthony Aranta Orejola, 39, taga Mauban, dakong alas-4:20 ng madaling araw sa Sampaloc-Mauban Road.
Matapos parehas na matumba ang dalawang motorsiklo, inararo naman ang mga ito ng paparating na van.
Napuruhan sa ulo at katawan ang biktimang si Uller at hindi na umabot nang buhay sa ospital.
Nasugatan din sa insidente ang driver ng isa pang motorsiklo na si Orejola.
Tumakas naman ang nakabanggang green na van na minamaneho ng hindi natukoy na driver. (NILOU DEL CARMEN)
