BATANGAS CITY – Patuloy na bumababa ang bilang ng naitatalang mga kaso ng COVID-19 sa lungsod na ito.
Ayon sa ulat ng City Health Office, mula ika-29 ng Marso, isang bagong kaso ng COVID ang nadagdag sa katauhan ng 31-anyos na babaeng taga-Barangay Alangilan. Habang gumaling naman sa sakit ang 29-anyos na babaeng taga-Barangay Kumintang Ilaya.
Dahil dito, umabot na sa 15,247 ang kabuuang kaso ng COVID sa lungsod kung saan pito ang active cases o nagpapagaling pa, 472 ang pumanaw habang 14,768 ang gumaling na sa sakit.
Nauna nang tumanggap ang pamahalaang lungsod ng Batangas sa katatapos na Umalohokan Award ng Department of Health, bilang Local Government Unit with best practices sa demand generation at communication strategy para sa National Vaccination Days 1 and 2.
Bagaman bumababa na ang naitatalang mga kaso ay patuloy pa rin ang ginagawang hakbang ng pamahalaang lungsod sa pangunguna ni Mayor Beverley Dimacuha, para mahikayat ang mga Batangueño na magpabakuna kontra COVID-19.
Nauna nang sinabi ni Batangas City Health Officer Dr. Rossana Barrion na kailangan pa ring makumbinsi ang mamamayan ng lungsod kabilang ang mga nasa A2 group o senior citizens, na kumpletuhin ang bakuna hanggang booster shots.
Iniulat ng CHO sa March 22 meeting ng Local Health Board na 114 indibidwal o 24 porsyento ng kabuuang bilang ng mga namatay sa COVID-19 ay nasa edad 61 hanggang 70-anyos habang 101 naman ang 70 hanggang 81 taong gulang. (NILOU DEL CARMEN)
150
