IMBES na service firearm, malamig na rehas ang kapit ngayon ng isang tinyente matapos dakpin sa loob mismo ng isang pasilidad na pinagdarausang ng talpakan ng mga manok na bida sa e-sabong.
Bukod sa hayagang paglabag sa direktiba ni Philippine National Police (PNP) Chief General Dionardo Carlos, nahaharap din sa patong patong na kasong kriminal si Police Lieutenant John Kevin Menez makaraang tangkaing subain ang kapustahan sa loob ng sabungang pinangangasiwaan ng Pitmaster sa Sta, Mesa, Maynila.
Sa datos ng PNP, lumalabas na si Menez, na residente ng Tondo, Maynila ay nakatalaga sa PNP Drug Enforcement Group – Special Operations Unit ng Calabarzon PNP.
Ayon kay Manila Police District Director Brigadier General Leo Francisco, nakatanggap sila ng isang timbre ng kanilang impormante kaugnay ng isang pulis na namumusta sa loob ng sabungan sa Sta, Mesa.
Pagdating sa lugar, naabutan si Menez na noo’y nagpipilit makalabas makaraang takbuhan ang kapustahan.
Sa pagsisiyasat, lumalabas ding naisanla pa ng naturang opisyal ang dalawang sasakyang hiniram lamang umano sa dalawang kaibigan – kabilang ang kabaro at isang SK chairman na una nang dumulog sa himpilan ng MPD. Bigo rin umanong mailabas ni Menez ang P500,000 operational fund na gamit ng PNP Drug Enforcement Group sa mga operasyon kontra droga.
Napag alaman din nasa restrictive custody na si Menez bago pa man siya dinakip sa Maynila. Nahaharap sa patong-patong na kasong estafa ang suspek.
Seminar kontra
e-sabong
Isinalalim naman ng Northern Police District (NPD) ang kanilang mga tauhan sa isang anger and stress management seminar sa hangaring hubugin ang mga pulis sa larangan ng wastong tugon sa tuwing umiinit ang ulo o nakakaranas stress dala ng kanilang trabaho.
Kabilang din sa mga tinalakay ni Lieutenant Jennifer A. Farma ng Neuropsychiatric Section ng Regional Medical and Dental Unit, ang financial literacy sa hangaring iiwas ang mga NPD personnel sa nakaambang suliranin sa sandalling malulong sa nauusong e-sabong.
Ani Farma, higit na angkop ang wastong kaalaman ng mga pulis sa larangan ng pananalapi tulad ng tamang pag-iimpok at paggastos ng kanilang sahod, gayundin ang paksa patungkol sa Withholding Tax and Compensation ng bawat miyembro ng pulisya. (RENE CRISOSTOMO/ ALAIN AJERO)
