NAGSAGAWA ng inspeksyon ang pinagsamang mga opisyales ng Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITx) nitong Lunes.
Ito ay sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa Semana Santa.
Kasama sa mga nagsagawa ng inspeksyon ay sina DOTr Undersecretary for Road Sector and Infrastructure Atty. Mark Steven Pastor, LTFRB Chairman Atty. Martin Delgra III, I-ACT Chief Charlie del Rosario at mga opisyales ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pangunguna ni Chairman Romando Artes.
Layunin ng isinagawang inspeksyon ng iba’t ibang mga opisyal ng gobyerno ay upang matiyak na ang bumibiyaheng mga sasakyan ay maayos na maihahatid ang mga pasahero sa kani-kanilang patutunguhan.
Ang Semana Santa ay nagsimula noong Linggo, Abril 10, hanggang Abril 16, 2022.
Nauna nang may nag-uwian sa kani-kanilang mga lalawigan noong Linggo at inaasahang magbabalik ang mga tao sa Metro Manila sa susunod na Linggo. (JOEL O. AMONGO)
