“IT is the irrationality of drug users that poses danger to society. It’s not enough to have a goal, you have to apply it,” pahayag ni PNP-PRO5 Regional Director, P/BGen. Jonnel C. Estomo kaya desperado siyang maresolba ang drug problem sa Bicol Region.
Inihayag ito kahapon ni Bicol PNP chief, P/BGen. Estomo, kasunod ng report na isang bigtime drug pusher ang napatay sa ikinasang anti-narcotics operation ng kanyang mga tauhan sa Brgy. Mancruz, Daet, Camarines Norte.
Kinilala ang napatay na drug personality na si Merlito Senaon Bayta Jr., 37-anyos, binata, ng Barangay San Juan, Baao, Camarines Norte.
Matapos magsagawa ng case build-up at intelligence operation laban sa target personality ay ikinasa ng PNP-PRO5 ODRDO-RPDEU5 Team Camarines Norte, sa pamumuno ni P/Cpt. Emil S. Yebra, katuwang ang mga operatiba ng PPDEU/PIU Camarines Norte PPO, Camarines Norte 1st PMFC at MPDEU Daet MPS, sa pangangasiwa ni Lt. Col. Jerry M. Alvarez, chief, RPDEU5, ang buy-bust operations sa Brgy. Mancruz.
Kumagat sa pain ang suspek at binentahan nito ng 100-gram ng shabu ang umaktongh poseur buyer kapalit ng P600,000. Subalit natunugan ng suspek na pulis pala ang kanyang katransaksyon kaya mabilis itong bumunot ng baril at pinaputukan ang papalapit na mga pulis.
Napilitang gumanti ng putok ang mga operatiba na ikinamatay ng suspek.
Sa isinagawang crime scene investigation, bukod sa nakuhang buy-bust items na 100 gramo ng shabu ay nakakuha rin ang mga awtoridad ng siyam pang knot tied plastic pouch na naglalamang ng umaabot sa 900 gramo ng shabu na tinatayang may street value na umabot sa P6.8 million.
Kasalukuyang bineberipika ng PNP-PRO5 Intelligence Unit ang report na nagmumula sa New Bilibid Prison ang droga na isinu-supply ni Bayta sa kalapit na mga lalawigan. Minsan na rin umanong nakulong ang suspek ng dalawang taon nang dahil din sa ilegal na droga. (JESSE KABEL)
