Tugon sa kakulangan sa pabahay BLISS PROJECT IBABALIK NI BBM

IBABALIK ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang Bagong Lipunan Improvement of Sites and Services (BLISS) project para tugunan ang tumataas na backlog sa pabahay ng bansa sakaling manalo siya sa May 9, 2022 national elections.

Sa kanyang pagsasalita kamakailan sa campaign sortie sa Quezon City, sinabi ni Marcos na ang ilan sa orihinal na proyekto ng BLISS ay nagsimula sa nasabing lungsod at idiniin ang pangangailangan para sa mabilis na pagtugon sa lumolobong kakulangan ng pabahay sa bansa.

“Alam niyo po dito nagsimula yung BLISS housing development. Babalikan po natin yan. Dahil malaki talaga ang pagkukulang (ng pabahay) hindi lang dito sa Quezon City, kundi sa buong Pilipinas,” sabi ni Marcos.

Noong 1984, namahagi si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos ng 25,000 titulo ng lupa sa mga benepisyaryo ng pabahay mula sa Balintawak, Quezon City, kung saan pinasinayaan din niya ang New Teachers BLISS Condominium II, na nakatayo hanggang ngayon at isa nang maunlad na komunidad.

Ang proyekto ng BLISS ay bahagi ng Land for the Landless Program sa Metro Manila na sinimulan ni Pangulong Marcos noong 1981 upang maisakatuparan ang pangarap ng mga maralitang tagalungsod na magkaroon ng kanilang lupain at sariling tahanan.

Ang matagumpay na programa ay nasa ilalim ng pangangasiwa ni dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos, na siya ring Ministro ng Human Settlements.

Ayon sa pagtatantiya ng gobyerno, aabot sa 6.8 million units ang kabuuang kakulangan sa housing units ng bansa sa pagtatapos ng 2022 at, kung hindi mareresolba, aabot sa 22 million units pagsapit ng 2040.

“Siguro ang kulang na pabahay sa Pilipinas ay six million na. At ibig sabihin, six million sa ating mga mamamayan, mga pamilya, sila ay squatter dun sa kanilang tinitirhan… Pagka-nagkataon sa panahon ko naman, gagawin ko hindi lamang sa Quezon City kundi sa buong Pilipinas,” dagdag pa ni Marcos.

Nanindigan si Marcos at kanyang running-mate na si Inday Sara Duterte na hahanap sila ng mga paraan para tugunan ang problema sa pabahay sa pamamagitan ng mga reporma sa polisiya at pagtulak sa mga kinakailangang batas.

Isa sa inisyatibo na inihayag ni Marcos kamakailan ay ang kanyang intensyon na buhayin ang 7-Day Take Out Policy ng Pag-IBIG para mapabilis ang pagproseso ng mga low-cost housing loan applications.

Inaasahang mananalo sina Marcos at Duterte sa paparating na botohan, dahil halos lahat ng pre-elections surveys ay nagpakita na ang dalawa ay suportado ng malaking mayorya ng mga botanteng Pilipino.

Nitong Linggo, naglabas ang OCTA Research ng isang survey na nagpapakita ng malaking kalamangan ni Marcos sa iba pang presidentiables at siya ay nakakuha ng 57% na voter preference.

Habang nasa malayong pangalawa ang isa niyang karibal na may 22% voter preference lamang.

Samantala, nagtala rin si Inday Sara ng kaparehas na 57% voter preference na sinundan naman ng isa pang kapwa VP hopeful na may 23% voter preference lang.

Nakatakdang gumawa ng kasaysayan si Marcos sa nalalapit na eleksyon. Sakaling siya ang manalo, siya ang magiging kauna-unahang pangulo na nahalal ng mayorya sa isang multi-party na sistemang politikal.

279

Related posts

Leave a Comment