WINDOW PERIOD SA PROV’L BUS, PINABABASURA

IPINABABASURA sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang window period sa provincial bus na ipinatutupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Metro Manila Development Authority (MMDA) dahil istorbo umano ito sa mga pasahero.

Ginawa ni House Assistant Minority Leader Arlene Brosas ang panawagan sa LTFRB at MMDA dahil bukod sa dagdag gastos ito sa mga pasahero ay nai-stranded pa ang mga ito sa provincial bus terminals sa labas ng Metro Manila.

“Malaking nuisance itong window period scheme ng LTFRB at MMDA. Ang dami nang pinapasan na pahirap ng ordinaryong commuter bunsod ng palpak na public transport sa bansa at taas-presyo ng bilihin, dinagdagan pa nila,” ani Brosas.

Ayon sa mambabatas, ang window hour ay ipinatupad umano ng LTFRB at MMDA para sa operasyon ng provincial bus terminal sa labas ng Metro Manila.

“Unahin naman sana ni Secretary Tugade ang kapakanan ng mga ordinaryong komyuter na stranded sa provincial bus terminals sa ngayon o ‘di kaya ay gumagastos ng karagdagan para lumipat sa malayong designated terminal. ‘Wag na kayong magturuan, kagyat na solusyon ang kailangan dito,” ayon pa sa mambabatas.

Base sa nasabing sistema, papapasukin lang ang mga provincial bus sa Metro Manila mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling araw.

Dahil dito nai-stranded umano ang mga pasahero sa provincial bus terminals dahil kailangang maghintay sila ng mahabang oras bago payagan ang sinakyang bus na makapasok sa Metro Manila.

Hindi aniya dapat isinasakripisyo ng Department of Transportation (DOTr) ang kapakanan ng mga pasahero at huwag nang dagdagan ang atraso ng mga ito sa taumbayan. (BERNARD TAGUINOD)

169

Related posts

Leave a Comment