Ni JOEL O. AMONGO
HINDI pa man nangangalahati ang kasalukuyang taon, pumalo na sa 73 kataong pinaniniwalaang sangkot sa pagpupuslit ng iba’t ibang klase ng kargamento ang sinampahan ng kasong kriminal sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ) sa unang tatlong buwan ng 2022.
Sa kalatas ng Bureau of Customs (BOC), pasok sa 30 asuntong inihain ng Bureau’s Action Team Against Smugglers (BATAS) mula Enero hanggang Marso ang mga importers, exporters at licensed customs brokers na umano’y nagsabwatan sa pagpapalusot ng mga kontrabando sa kabila ng mga pinaiiral na reglamento ng kawanihan.
Kabilang sa mga inihaing kaso ng BATAS ay ang paglabag sa Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) at iba pang batas na kalakip ng kalakalan.
Anim na kasong administratibo naman ang isinampa sa Professional Regulations Commission (PRC) laban sa mga licensed customs brokers.
“Data from BATAS show that the cases involved the unlawful importation of cigarettes valued at P160.4 million,
agricultural products valued at P131.4 million, motor vehicles valued at P49.4 million, general merchandise amounting to P7.7 million, and other commodities valued at P7.2 million,” saad ng ahensya sa isang pahayag.
“The BOC remains committed to continuing the fight against smuggling by filing the appropriate cases against unscrupulous individuals,” dagdag pa nito.
Sa datos ng ahensya, may kabuuang 450 kasong smuggling na ang inihain ng BOC mula nang maluklok sa Palasyo si Pangulong Rodrigo Duterte taong 2016.
