MAYOR MARCY WALANG MAJOR PROJECTS?

TUWING eleksyon nagkakaroon ng pagkakataon ang mga botante para busisiin ang mga proyektong ginawa ng reelectionist na politiko sa kanilang nasasakupan sa panahon ng kanilang panunungkulan.

Isa na rito si Marikina City Mayor Marcy Teodoro, hinahanapan siya ngayon ng resibo ng nagastos niyang pondo at tinatanong kung saan napunta at saang proyekto ito ginamit.

Si Teodoro ay nakadalawang termino na at tumatakbo siya ngayon para sa ikatlo at ­huling termino bilang alkalde ng Marikina City na wala umanong major projects.

Kung hinahanapan ng mga Marikenyo si Mayor Marcy ng pondo kung saan niya ito ginamit sa kanyang dalawang termino, ibig sabihin tagilid siya sa darating na eleksyon.

Hindi kuntento ang mga residente ng Marikina City sa performance niya.

Nangangahulugan lamang na wala nang tiwala kay Mayor Marcy ang mga taga-Marikina.

Kung hinahanapan nila ng resibo si Marcy at tinatanong kung saan ginamit ang pondo ng siyudad, ibig sabihin hindi siya naging transparent sa kanyang mga kababayan? Wala ring mga proyektong naipakita sa kanyang dalawang termino?

Sa mga lumabas sa social media post, sinasabing may 6 bilyong pisong utang ang Marikina?

Makikita kasi sa LGU debt data ng DILG-Bureau of Local Government Finance na nasa kanilang website na www.blgf.gov.ph na may mga pondong naibigay sa Marikina City mula noong 2017 hanggang 2022 na umaabot sa P6B, subalit wala namang nakitang major projects. Totoo po ba ‘yan Mayor?

Sa website ng DILG noong 2017 ay nasa P1.2B ang pondong nakuha ng Marikina, P3.83B (2020), P1.72B (2021) at P0.924B (2022).

Kaya hinahanapan ngayon si Mayor Marcy ng mga detalye ng mga perang ito at kung saan ito ginamit.

Ang bulto ng ayuda sa kasagsagan ng pandemic ay nanggaling sa national government, pangunahin ang bakuna na libre para sa lahat, habang ang Molecular Laboratory na itinayo sa Marikina City ay dati na at hindi ginastusan nang malaki dahil inilagay ito sa dati nang gusali.

May kumakalat ngayon sa Marikina City na mga litrato raw umano ng nabiling iba’t ibang real property ng alkalde?

Kabilang sa mga ito ay ang 4 na bahay at lupa sa Barangay San Roque partikular sa JP Rizal St., Eagle St., Flamingo St., at Mabini St., isa sa Ranier St., Barangay Elena, at 2 bahay pa sa Loyola Grand Villas .

Kailangan ipaliwanag ni Mayor Marcy ‘yan dahil kung hindi niya mabibigyan ng paglilinaw ‘yan ay maaaring makaapekto ‘yan sa kanyang kandidatura.

Gusto ng mga residente na sa halip na mag-ikot si Mayor Marcy at dumalo sa campaign rally ay unahin muna niyang ilabas ang mga resibo.

Ayan Mayor, mismong mga kababayan mo na ang ­humihiling sa ‘yo ng paliwanag.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.

148

Related posts

Leave a Comment